^

PSN Opinyon

'Pula ang kulay ng araw'

- Tony Calvento -

Napakahirap para sa isang ama na makitang patay ang kanyang anak. Higit na mas masakit kung masaksihan ng isang ama na pinapatay ang kanyang anak at wala siyang magawa.

Apat na oras ang biniyahe nila mula Cabiao, Nueva Ecija makarating lamang sa aming tanggapan. Siya si Evangeline Sigua mas kilala sa tawag na ‘Vangie’, 40 taong gulang. Kasama niya ang kanyang hipag na si Fe Mercado. Ang hinihingi niya ng tulong ay tungkol sa pagpatay sa asawang si Federico o “Pedy”.

Labing siyam na taon ng ‘contractor’ at ‘electrician’ si Pedy. Ang pagiging masipag niya ang nagpagaan ng buhay nila Vangie at tatlong anak nito. Siya rin ang inaasahan ng kanyang 80 anyos na amang si Gregorio o ‘Gorio’ na nakatira sa katabing barangay sa Pulili, Nueva Ecija.

Ika-1 ng Hulyo 2009 habang nasa trabaho si Pedy ng itinext siya ng kapatid na si Alfredo. Pinapauwi nito si Pedy sa kanilang bahay.

Pagdating ni Pedy naabutan nalang niya si Orlando Bautista alyas ‘Boy Openg’, kanilang kapit bahay na nakabili ng kanilang lupa na inaaway ang kanyang ama.    

Binakuran kasi ni Boy Openg ang kalyeng dinaraanan nila Gorio. Nagalit itong si Gorio ng makitang nilalagyan niya ito ng kawayan at alambre.

 Gitnang-gitna ang daanan nila Gorio sa dalawang lupang nabili ni Boy. Ang gusto ni Boy pagdikitin ang kanyang mga lupa at kapag nangyari yun masasakop ang dinaraanan nila Gorio at masasarahan sila. Sa halip na si Gorio ang makipagtalo kay Boy, si Pedy na ang nakipag-usap.

“Pare, bakit naman ganun? Alam mong may kasunduan kayo ni Tatay na sa kanila ang lupang binabakuran mo,” paliwanag ni Pedy.

Hindi naman tinanggap ni Boy ang paliwanag ni Pedy. Napilitang umuwi si Pedy sa kanilang bahay. Kinuha nito ang kasunduan nila ni Boy pagpapatunay na sa kanila ang lupa.

Nadatanan ni Pedy si Vangie. Paalis na si Vangie nun para maningil.               Tinanong ni Vangie ang asawa kung bakit bigla itong napauwi. Sagot naman ni Pedy habang hawak ang kasunduan, ‘Kakapirasong lupa ni tatay kukunin pa ni Boy!”

Ipinakita ni Pedy ang kasulatan kay Boy subalit hindi pa rin natinag itong si Boy at sinabi umanong, “Hindi ko kikilalanin yang kasunduan iyan. Kukunin ko ang lupa kahit anung mangyari!”.

Hinamon ni Pedy na dalhin sa barangay ang pinagtatalunan nila. Huminahon si Boy. Naghiwalay na sila. Umuwi si Pedy para mananghalian. Matapos nito, bumalik siya sa trabaho.

Lulan ng kanyang motor habang papunta sa ‘construction site’ muling nadaanan ni Pedy ang bahay ng kanyang ama. Dito na umano hinarang siya nina Boy at ng apat pang hindi kilalang lalaki.

Kwento ni Vangie, na tinutukan si Pedy ng baril ni Boy at mga armadong lalaki. Tinutok ang baril sa kanyang ulo at binaril siya mabilis na tinaas ni Pedy sa kanyang kamay kaya’t ito ang tinamaan.

Alam niyang wala siyang laban dahil may baril si Boy. Nanakbo si Pedy. Hindi pa siya nakakalayo pinutukan pa siyang muli. Tinamaan siya ng bala sa dibdib at tumilapon bumagsak siya sa lupa.

Lumabas si Gorio ng marinig ang putok. Sa di kalayuan nakita nalang niya si Pedy na nakabulagta sa lupa. Nasaksihan niya ng lapitan ni Boy ang kanyang anak at barilin ng malapitan. Sa takot ni Gorio nagtago siya at hindi na niya tinangkang tulungan pa ang kanyang anak dahil alam niya kapag ginawa niya yun pareho silang mamatay.

Nagtago si Gorio sa likod ng isang puno. Agad na tumakas sina Boy sakay ng dalawang motor. Nakiramdaman muna si Gorio, nakalayo na ang mga kriminal ng makalabas ito.

Nilapitan niya ang anak at lumuhod sa harapan nito, alam niya na patay na si Pedy. Iyak ng isang ama ang narinig sa buong paligid. Naglapitan ang mga kapitbahay at binuhat si Pedy para isugod sa ospital. Pagdating dun idineklara siya ng mga doktor na dead-on-arrival.

Namatay si Pedy dahil sa tama ng bala sa dibdib, sa mukha at tumagos ito sa kanyang ulo.

Nag-report sila Vangie sa Cabiao PNP, matapos silang kuhaan ng statement sinampa sa Prosecutor’s Office ng Cabanatuan ang kasong Murder.

Nagkaroon ng pagdinig sa kaso subalit hindi nagpakita si Boy tanging ang abogado lang nitong si Atty. Beniles ang sumisipot.

Ika-28 ng Setyembre 2009, ng mailabas ang resolusyon pirmado ni Assistant Prov. Prosec Julius Ceasar Mustard na inaprubahan naman ni Prov. Prosec. Floro Florendo.

Nakitaan ng ‘probable cause’ o batayan ang pagsampa ng krimeng murder laban kay Bautista at dapat iakyat ang kaso sa korte para sa isang paglilitis.

Sa isang magkaugnay na pangyayari sinampahan ng kasong perjury ni Boy si Gorio dahil mariing niyang pinabubulaanan ang mga pahayag nito. Hindi raw siya ang bumaril at pumatay kay Pedy. Wala raw siya dun.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Vangie.

Nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap si Prov. Prosec. Floro Florendo, tahasang sinabi nito na ang information para sa kasong murder ay naisampa na sa korte at nabanggit nito na ang hablang perjury ni Boy laban kay Gorio ay ‘premature’

“Ang dapat mapawalang sala muna siya sa korte at mapatunayang nagsinungaling itong si Gregorio Sigua. Pagkatapos maaring na niyang sampahan ng kasong perjury,” wika ni Prov. Prosec Florendo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malawak na ang mga lupain na dinilig ng dugo sa agawang lupa sa lalawigan ng Nueva Ecija. Umaasa kami na matigil na ang karahasan at daanin sa mabuting usapan ang problema sa lupa at ang pagkamatay ni Pedy ay hindi mauwi sa istatistika na lamang.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming numero, 09213263166 o sa 09198972854 Ang landLine 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email: [email protected]

BOY

GORIO

KANYANG

NIYA

PEDY

SIYA

VANGIE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with