MALAKING pera rin ang kailangan para maidaos ang barangay at Sangguniang Kabataan na nakatakda sa Oktubre 25. At ang tanong ngayon, kailangan pa bang gamitan ng PCOS machines ang gagawing elections. Kailangan pa bang automated na pati serbisyo ng mga guro ay kailangan?
Para sa amin, hindi na dapat pang idaan sa automation. Isang pag-aaksaya ng pera ng taumbayan kung ang barangay at Sangguniang Kabataan elections ay gagawin ding automated. Malaking pera ang itatapon para sa isang election na hindi naman gaanong mahalaga. Tama na ang mano-manong bilangan sa barangay at SK elections. Huwag nang pag-aksayahan pa ng pera at gamitin na lamang sa ibang pangangailangan.
Iginigiit ng Commission on Elections (Comelec) na nakasaad sa batas (Republic Act 9369 o Poll Automation Law) na ang barangay at SK elections ay nararapat na automated. Ang barangay at SK elections ay nakatakdang idaos sa October 25 ng kasalukuyang taon. Pero sabi ng Comelec, idi-discuss pa ang mga bagay na may kinalaman sa barangay elections dahil sa technical at logistics concern. Marami pang problema ukol dito.
Kung kasama sa Automation Law ang barangay at SK elections, bakit hindi pa ito isinabay noong May 10 elections para isang gastos at pagod na lamang. Hindi na sana inihiwalay para nakatipid sa gastusin. Ayon sa Comelec, hindi kasama ang barangay elections sa siserbisyuhan ng Smartmatic. Ang Smartmatic ang nakakuha ng kontrata sa Comelec sa idinaos na automated polls.
Ang Kongreso ang dapat magpasya sa usapin ng pag-computerized sa barangay elections. Baguhin ang batas at ibalik sa mano-manong bilangan ang para sa barangay elections. Napaka-simple lang nito. Hindi na dapat kubain ang mamamayan sa ibabayad sa mga PCOS machine na gagamitin sa barangay na kakaunti lang naman ang bilang ng botante.
Ipanukala na isabay na lang ang barangay election sa idinaraos na local at national elections. Para minsanang pagod at gastos na lang. Pag-aralan sana ito ng mga mambabatas. O baka meron magagawa rito ang bagong administrasyon ni Noynoy Aquino.