Tradisyon - sino ang nagyurak?
DINAGSA ng “letter barrage” ang mga diyaryo, radyo at telebisyon mula sa “tumatangkilik.” Binabatikos si President-elect Noynoy Aquino dahil sa umano’y balak na pagyurak ng tradisyon sa inaugural sa Hunyo 30. Kesyo mali raw ang pasya ni Noynoy na sa Quezon Memorial Circle imbis na sa Luneta gawin ang pagsumpa. At mas lalong mali raw na ipaa-administer niya ang sumpa kay Supreme Court Justice Conchita Carpio Morales imbis na kay Chief Justice Renato Corona.
Walang sinisirang tradisyon si Noynoy. Kung venue ang pag-uusapan, anim na Presidente lang ang sumumpa sa Luneta: Quirino, Magsaysay, Garcia, Macapagal, Marcos at Ramos. Mas marami ang hindi doon: Aquinaldo sa Cavite; Quezon, Laurel at Roxas sa Congress Building; Osmeña sa Washington, DC; Cory Aquino sa Club Filipino; Estrada sa Barasoain Church; at Arroyo sa EDSA Shrine.
Kung taga-administer ng oath ang paksa, kahit sino’ng opisyal ay maari piliin ng susumpang Presidente. Si US President Lyndon B. Johnson ay sumumpa sa sariling ama na notary public. Nu’ng Peb. 25, 1986, matapos ang snap election, sumumpa si Marcos sa Malacañang, sa harap ng Chief Justice. Makalipas ang isang oras sumumpa si Cory Aquino sa harap ni Justice Claudio Teehankee. Kinagabihan tumalilis si Marcos sa Hawaii.
Pakiwari ko’y pakana ni Gloria Arroyo ang “letter brigade” laban kay Noynoy. Mapapahiya kasi siya sa balak ni Noynoy na huwag sumama sa presidential car sa araw ng inaugural. Maiisnab din si Corona, na sapilitang in-appoint ni Arroyo miski hindi pa bakante ang posisyon.
Kung tutuusin si Arroyo ang nagwawasak sa tradisyon.
Aba’y normal lang na kapag meron nang nahalal at naproklamang kapalit, ang papaalis na Presidente ay nagiging caretaker na lamang. Pero sinuway ito ni Arroyo. Patuloy siyang nagtalaga ng midnight appointees. Pinigilan niya ang pag-recall sa ambassadors na political appointees. Inudyukan ang ilang militar na magmatigas kay Noynoy.
- Latest
- Trending