Ang pagsubok kay Noynoy
PUMUPORMA na ang iba-ibang grupo para maka-puwesto sa Noynoy administration. Balita ko, nakahanay diyan ang Kamag-anak Inc., Yellow Army, Yellow Brigade, Black and White Movement at ang Hyatt 10.
Diyan masusubukan ang tatag ng disposisyon ni President-in-waiting Benigno “Noynoy” Aquino III. Hindi komo pinagkakautangan ng loob ay dapat ipuwesto. At kung tunay at tapat ang suporta ng mga grupong ito kay Noynoy, sila na ang kusang tumanggi kahit alukin sila ng puwesto. Por delicadeza wika nga.
Balita ko’y nagkakabalyahan at nagkakasikuhan ang mga oportunistang ibig makapuwesto kay Noy. Nakikipagbuno rin daw ang mga samahang sumuporta sa dating Tarlac congressman. Naku, baka lalung maging chain-smoker si Noynoy sa power-play na ito. Nauna nang naibalita na may mga personahe sa H-10 na kinukonsidera na raw sa “new cabinet.” Yan sina dating Social Welfare Secretary Dinky Soliman na ibabalik sa DSWD at ang dating miyembro ng peace panel ng gob yerno sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front o MILF na si Teresita Deles.
Naririyan din sina Cesar Purisima na dating finance secretary ni GMA at si Guillermo “Willie” Parayno na dating BIR commissioner. Kung ibabalik si Parayno, walang pagbabagong mangyayari dahil ang mga malalaking information technology o computerization contract sa BOC ay hawak ng kanyang kumpanyang E-Konek at Web Fontaine Inc. Kasosyo pa sa negosyong iyan sina Alberto Lina na naging Commissioner din ng Customs. May conflict of interest!
Marami namang magagaling at batang career officer na hindi nagagamit nang husto ang talino, sana’y ipromote naman sila basta’t sigurado ang kakayahan at malinis ang track record.
Sabi ko nga kamakailan, kahit na nagsilbi pa kay Gloria o kanino man, basta’t maganda ang track record at may integridad ay puwedeng hirangin.
- Latest
- Trending