NAUUSO na naman ang kidnapping at marami na naman ang nanghoholdap. Mas mabuti kung pahahabain pa ang pagbabawal sa pagdadala ng baril para ganap na masawata ang paglaganap ng krimen. Noong Martes, isang babaing residente ng Valle Verde II subdivision sa Pasig City ang tangkang kikidnapin ng apat na kalalakihang nakamotorsiklo. Subalit bago naisagawa ang pangi-ngidnap naitimbre sa Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) ang balak at nakaresponde. Nakipagbarilan ang mga hinihinalang kidnapper at napatay ang isa at nasugatan naman ang isa pa habang ang dalawa ay nakatakas. Tinutugis na ng PACER ang mga suspects. Nakakumpiska ng mga baril sa suspects.
Noong nakaraang linggo, dalawang kilabot na holdaper sa Sta. Cruz, Manila ang napatay ng mga pulis. Bibiktimahin na ng mga tinaguriang “Sako Gang” ang isang negosyanteng babae nang mati-yempuhan ng mga nagrorondang pulis. Naging kahina-hinala ang grupo sapagkat may bitbit silang sako. Lumaban ang mga holdaper at agad napatay. Nakakumpiska ng mga baril sa dalawang napatay. Ang mga kasamahan ng dalawa ay nakatakas at hinahanap pa ng mga pulis.
Ang ipinaiiral na gun ban ay nagsimula pa noong Enero 9, 2010, kasabay ng kampanya ng mga tatakbo para national position. Umaabot na sa 3,000 katao ang nahulihan ng baril. Karamihan sa mga nakum-piskang baril ay gamit ng mga badigard ng pulitiko. Naging maigting ang kampanya ng PNP laban sa pagdadala ng baril. Ang maaari lamang magdala ng baril ay ang mga sundalo at mga pulis. Ang mga pulis ay kailangang nakauniporme kapag nagdala ng baril, Hindi rin maaaring magsagawa ng pagrikisa sa checkpoint ang mga pulis na hindi naka-uniporme.
Sa buong election period, naging kapansin-pansin ang pagbaba ng krimen at wala ring nabalitang nanutok ng baril sa simpleng away sa trapiko. Ibig sabihin, epektibo ang ginawa ng PNP na pagbabantay. Naging tahimik at mapayapa ang kapaligiran dahil walang salot na baril.
Napatunayan na kung may paghihigpit sa pagdadala ng baril, walang krimen at walang kaguluhan. Kung ganoon, palawigin pa ang pagpapairal sa gun ban. Ito ang sagot para mapanatili ang katahimikan.