HINDI pa nakakaupo ang mga halal na local officials, e kung anu-anong pagkakapitsaan na ang nasa utak nila. Mukhang mabilis makalimot ang mga opisyales na kung anu-ano ang ipinangako noong kampanyahan. Imbes na ang kapakanan ng mga botante ang isipin, ang bulsa nila ang inuuna. Kaya dapat sa mga botante, itanim nila sa isipan nila ang ganitong uri ng opisyales para mahusgahan sila sa 2013 local elections. Dapat ibokya sila sa botohan para madala at hindi pamarisan.
Nakarating sa aking kaalaman na matapos ihalal bilang congresswoman-elect ng Abra si Joy Bernos ay sumugod sa opisina ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kasama ang bayaw na si JB, aba pinag-courtesy call umano ni Bernos ang mga job orders, pati na ang mga permanent at casual employees ng DPWH sa Abra. ’Yan ang kumakalat na text messages sa Abra na dapat linawin ni Bernos.
Tinalo ni Bernos si Rep. Cecille Luna. Samantalang ang anak naman ni Luna na si Ryan, ay tinalo rin ang ama naman ni Bernos na si incumbent Bangued Mayor Dominic Valera. Nagpalit lang sila ng puwesto mga suki. Ang matandang Valera ay humaharap pa sa kasong murder sa pagpatay kay Mario Acena, ang driver naman ng batang Luna. Masalimuot talaga ang sitwasyon sa Abra na kung itong mga unang hakbangin ni Bernos at bayaw na si JB ang titingnan eh hindi na dapat umusad pa ang political career ng una.
Sa Pasay City naman, nagsisigaw si Tonton Hines sa pa lengke kamakailan na sila na raw ang tatayong gambling lord ng siyudad dahil sa pagkapanalo ni Tony Calixto. Kasama ni Hines sa pagyayabang ang dalawang tiyuhin ni Calixto. Kung sabagay, tumaya si Hines, Bertong Tae, Ronald at Asyong kay Calixto kaya may ibubuga sila sa administration nito. Si Hines ay may pa-lotteng sa Pasay City at hindi nakapagtataka kung mag-expand siya at solohin na pati ang sakla-patay at iba pang sugal-lupa sa Pasay. Kaya’t goodbye na lang ke Freddie Cabrera, ang hari ng sakla-patay sa Pasay. Teka nga pala, maapektuhan din kaya ang mga bookies ng karera ni Boy Corcuera.
Kung sa halos tatlong termino ni Mayor Peewee Trinidad ay hindi niya nabura ang taguri na Sin City ang Pasay, tiyak hindi rin kaya ito ni Calixto kung itong pagyayabang ni Hines ang gagawing basehan. Kaya sa ngayon pa lang, dapat idistansiya na ni Calixto ang sarili niya kay Hines, ’yan ay kung gusto niyang madugtungan pa ang termino niya sa 2013. Hindi pa huli ang lahat para kay Calixto. Tsugiin na niya at kasuhan si Hines para mabura sa isipan ng taga-Pasay na pitsa-pitsa lang ang lakad niya. Abangan!