Huwag sana sumablay transmission ng resulta

MALINAW ang detalye sa automation law. Dapat kumuha ang Comelec ng sertipikasyon mula sa isang international testing agency na gumagana nga ang automated election system na napili nito. At dapat mapasakamay ito ng Comelec tatlong buwan bago Election Day, o Feb. 10, 2010.

Nang kontratahin ang Smartmatic nu’ng Agosto 2009 para mag-automate, pinili ng Comelec ang SysTest Laboratories ng America bilang taga-certify. At nu’ng Feb. 10 inanunsiyo ng Comelec na tapos na ang pag-test ng Sys Test sa sistema ng Smartmatic. Pero kataka-taka na walang maipakitang report o sertipikasyon ang Comelec. Puro salita lang, ika nga.

Makalawang Biyernes binigyan ng Comelec si Joey de Venecia, ang kaisa-isang info-tech expert na kumakandidatong senador, ng kopya ng SysTest report. Ang petsa ng Certification Test Result Summary ay March 8—halos isang buwan nang lumipas ang deadline ng Comelec sa batas.

Mas nakakakaba ang laman ng report. Umano’y mahigit 4,000 maliliit na problema ay nalutas na ng Smartmatic. Pero mahigit 1,000 pang malalaking butas ay hindi napupunuan.

Dalawang babala ng SysTest ang nagbabadya ng sakuna. Una, huwag gamitin ang Ballot Production Tool dahil hindi ito isinailalim ng Smartmatic sa masusing pagsusuri ng SysTest. Tanong: Ito kayang di-subok na Ballot Production Tool ang dahilan sa pagsablay ng compact flash cards ng Smartmatic voting machines sa field tests nu’ng May 3?

Ikalawa, anang SysTest, hindi rin naipasuri ng Smartmatic ang modem firmware na gagamitin sa transmission ng resulta mula presinto patungong canvassing centers. Tanong: Ibig sabihin kaya nito ay maaring sumablay ang pag-transmit ng voting machines ng tallies sa pamamagitan ng cell phone SIM? Ito kaya ang ikinatatakot na automated dagdag-bawas?

Sana smooth lahat ng botohan at bilangan para walang sigalot.

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments