Malakas na piso
HINDI mo talaga mapapasaya ang lahat ng tao. May malulungkot o magagalit, may matutuwa naman o magbubuntong-hininga. Ang pinag-uusapan ko ay ang dollar. Ilang linggo nang lumalakas ang piso kontra ang US dollar. Hindi ko na matandaan kung kelan nasa P47-48 ang palit ng dolyar. Ngayon, nasa P44.50 na lang at tila lumalakas pa! May nagsasabi na nga na sa katapusan ng taon, baka nasa P43.50 na ang palit ng dollar. Ikinatuwa naman ito ng mga umuutang sa mga banko na dolyar ang basehan dahil mas mababa ang kailangan nilang ibayad sa utang nila base sa piso. Kung baga, kung umutang sila noong P47-48 ang palit, ngayon nakatipid na sila ng halos apat na piso kung babayaran na ang inutang.
At dapat bumaba na ang mga imported na gamit at pagkain, dahil sa bumaba na nga ang dollar. Pero parang presyo ng gasolina at diesel na rin ang presyo ng mga ito – mabilis at malaki ang tinataas kapag humina ang piso, napakabagal naman bumaba kapag lumakas ang piso! Kung may mga tindahan naman na sumusunod sa tamang palit, mapapansin na mas mura na ang mga imported na delata. Para naman sa mga bumibiyahe, nagiging mas mura ang ticket at mas marami na ang nabibili dahil sa paglakas ng piso.
May mga nalulungkot naman sa paglakas ng piso. Ito yung mga exporter o yung mga nagbebenta ng mga gamit sa abroad. Dahil sa paglakas ng piso, nagiging mas mahal ang bentahan ng kagamitang nagmumula sa Pilipinas. Nahihirapan tuloy makipag-kompetensiya sa mga kagamitan ng ibang bansa. At ang pinaka malaking grupo na nagrereklamo sa mahinang dolyar, mga OFW.
Dahil humina ang dolyar, mas napipilitan silang magpadala ng mas maraming dolyar para sa parehong halaga ng dati nilang pinadadala sa mga kamag-anak, dahil hindi naman nagmumura o bumababa ang bilihin dito. Halimbawa, kung ang upa ay nakukuha na noon sa $100 na pinadadala, ngayon $110 o $120 na ang kailangan ipadala dahil hindi naman bumaba ang upa. At dahil mas maraming dollar ang pumapasok sa bansa mula sa ating mga bagong bayani, mas lumalakas pa ang piso dahil marami tayong extrang dollar! Parang sala sa init, sala sa lamig, di ba?
Pagkatapos ng eleksyon, magiging interesting kung ano ang mangyayari sa dollar. Kung matagumpay ang automated election, baka maging malakas ang piso kontra sa dollar. Kung sakaling pumalpak naman at mapilitang magmanu-mano muli, o kaya’y, huwag naman sana, magkagulo naman, maaaring bumagsak ang piso nang husto. Anuman ang mangyari, trabaho ng Bangko Sentral ang dumesisyon kung ano ang nararapat gawin, na nasa pinakamagandang interes ng bayan. Mahirap din ang nakasalalay ang interes at kabuhayan ng isang bansa, sa halaga ng pera ng iba.
- Latest
- Trending