DALAWAMPU’T APAT na taon na ang nakararaan, at hanggang ngayon hinahabol pa ng gobyerno ang umano’y ill-gotten wealth ng mga Marcos na nagkakahalaga ng P140 bilyon. Hindi pa malaman kung kailan magdedesisyon ang korte. Kaya naman may mga pagkilos para pag-usapan na lang sa labas ng korte ang nasabing pera. Ngayon, may lumalabas na balita na malapit nang magkasundo ang PCGG at ang mga Marcos ukol sa nasabing kayamanan. Pero itinanggi ni Greggy Araneta, asawa ni Irene Marcos, na may kasunduang pinag-uusapan.
Bakit malaking isyu kung may pinag-uusapan na kasunduan? Hindi ba’t ito naman ang pakay ng PCGG mula nang mabuo ang ahensiyang ito? Kasi magaganap ang nasabing kasunduan, kung meron man, sa mga huling buwan ng administrasyong Arroyo. Sa madaling salita, mahahawakan nila ang anumang halaga na mapagkakasunduan, at madadala na ito kung saan-saang lupalop ng mundo para hindi na rin mahabol!
Napakaraming kilos na ang ginawa ng administrasyon sa mga huling buwan ng termino ni President Arroyo. Nandyan ang naunsiyaming RFID. Nandyan ang pagtatalaga ng bagong Chief Justice ng Supreme Court. Nandyan ang pagtatalaga ng bagong Justice sa Sandiganbayan. Parang inaayos na lahat bago sila mawala na sa Palasyo. Inaayos ang mga taong kasangga, at inaayos na rin ang madadalang banga.
Ipinakikita rin kung gaano karaming pera ang nakuha ng mga Marcos sa kanilang dalawang dekadang paghawak sa bansa. One hundred forty billion pesos. Tapos maririnig pa natin si dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos na wala na siyang kapera-pera. Baka naman nasa isang kongresista na kayang bayaran ang isang hapunan na nagkakahalagang isang milyong piso? Maha-laga para sa bayan ang mabawi ang kayamanang ito. Pero ipaubaya na lang sa susunod na administrasyon. Siyam na taon ang pagkakataon nilang mabawi ito, pero walang nangyari. At ngayon, nasa pulitika na naman ang mga Marcos.
Makuha pa kaya ang kayamanang iyan, o kakalimutan na lang, katulad ng paglimot ng na-pakaraming bagay ng mamamayan?