MAKALIPAS ang apat na taong na mahabang pag-aantay ng isang ama na mabigyan ng hustisya ang kanyang anak na hinataw ng baseball bat sa ulo, abot kamay ng makukuha niya ito ng mahuli ang taong pumatay dito. Dati na naming naisulat ang kasong ito na aming pinamagatang ‘Killer bat’.
Matatandaan na ang ama ng biktima na si Ananias Alejandro o mas kilala sa tawag na Tarzan ang dumulog sa aming tanggapan. Kinwento niya sa amin ang nangyaring pagpatay ni Bernardo ‘Othoy’ Nicolas sa kanyang anak na si Manuel ‘Manny’ Alejandro.
Nalaman ni Tarzan kung paano pinatay ang kanyang anak ayon sa salaysay ng isang kaibigan nito na kasama niya ng hatawin ito ng bat, ang testigo ay si Francisco Ramos.
Base sa sinumpaang salaysay ni Francisco, noong ika-26 ng Pebrero 2006 bandang alas-11:30 ng gabi naimbitahan si Manny ni Jennifer Mata anak ng konsehal sa Antipolo sa isang birthday party sa Sitio Buhanginan, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Nag-iinuman sila sa tatlong hilera ng mesa kasama si Manny ng dumating si Othoy at umupo. Andun din ang mga barkada ni Manny na sina Gener Gonzales, Jerome Tubig, Efren Guerrero at ang pinsang si Mardy Cayabyab.
Sa gitna ng kwentuhan, tawanan at kantyawan, bigla na lang raw uminit ang ulo ni Othoy kay Manny at sinuntok niya ito.
“Nakita ko na lang si Othoy na sinapak si Manny. Hindi naman siya nanlaban dahil mabilis naming naawat ang dalawa,” ayon kay Francisco.
Sa sobra na ring kalasingan, pinauwi na si Othoy upang hindi na din lumaki ang gulo sa pagitan nila. Si Manny naman, makalipas ang ilang oras ay umuwi na din kasama ang pinsan.
Kwento naman ng ‘eye witness’ na si Mardy, “Umihi lang ako sandali sa pader doon mismo sa daanan ngunit sa aking paglingon kitang-kita ko si Othoy hawak ang baseball bat. Pinalo siya at tinamaan sa itaas ng batok. Tumiklop si Manny at bumagsak sa kalsada sa lakas ng palo. Sa takot ko nagtatakbo ako bahay nila Manny para humingi ng tulong”.
Madaling-araw, bandang alas-2:45 ng nakarating si Mardy kina Tarzan. Sinabi ni Mardy sa kanyang tyahin na si ‘Erna’ na, “Si Manny po hinataw sa ulo!”.
Kasama si Mardy, pinuntahan ni Tarzan ang anak, pagdating dun may nakapagsabi na dinala na si Manny sa Antipolo Community Hospital.
“Pagdating ko sa ospital patay na ang anak ko sabi ng mga pulis na dadalhin na siya sa morgue”, ayon kay Tarzan.
Nagpunta ng presinto si Tarzan kasama si Mardy at pormal na naghain ng reklamo ukol sa pangyayari.
Nasampahan ng kasong Murder si Othoy. Naglabas ng ‘order’ ang ‘presiding judge’ na si Hon. Ma. Teresa Cruz-San Gabriel at kasama ang isang warrant of arrest.
Itinampok namin ang istorya ni Manny sa aming programa sa radyo Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00 ng hapon).
Pinakuha namin si Tarzan ng kopya ng warrant. Nagpunta siya sa Antipolo Police, pinakita niya ang artikulong ginawa namin sa mga pulis at mabilis naman itong umaksyon.
Ika-9 ng Marso 2010 nagmanman ang mga pulis sa lugar kung saan nakitang pagala-gala si Othoy sa Antipolo.
“Ilang araw naming binantayan ang lugar. Minsan inuumaga kami subalit matyaga naming inantay na ito’y lumutang. Kung minsan mismong sa lata ng cornbeef at pandesal kami kumakain makatulong lamang sa kawawang matanda para mahuli ang pumatay sa kanyang anak,” ayon sa isa sa mga pulis.
Isang gabi, tahimik at maingat nilang pinasok ang bahay ni Othoy. Nang maramdaman ni Othoy na may pumasok sa bahay sinubukan nitong tumakbo. Nang siya’y masukol nanlaban ito. Naging mabilis ang kilos ng mga pulis, pilipit ang kanyang kamay at braso, niluhuran at pinosasan. Ikinulong nila ito sa Antipolo City Jail.
“Sobra ang pasasalamat ko sa inyong tanggapan. Naibsan ang dalamhati ng aking pamilya sa ginawa ni Othoy sa aking anak.,” huling pananalita ni Tarzan
(KINALAP NI DEN VIAÑA)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Bukas ang aming tanggapan tuwing Sabado alas- 8:30 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali. Pwede din kayong tumawag sa aming 24/7 hotline sa 7104038.
Email address: tocal13@yahoo.com