NAKASANAYAN na ng BITAG na maging kabahagi ng mga alagad ng batas sa pagtugis ng mga kriminal sa lipunan lalo na ‘yung nahatulan na ng hukuman subalit nagtatago lamang.
Matapos mailabas sa espasyong ito ang kolum na may pamagat na “Wanted” kung saan nanawagan kami sa mga may impormasyon sa mga Wanted na suspek na gumagala sa kanilang lugar…
Marami ang nagsitugunan. Isa na rito ang ilang kaibigan ng BITAG mula sa Criminal Investigation and Detection Group ng Manila Police District.
Itinawag ng CIDG-MPD sa BITAG ang kanilang ikakasang operasyon, ang kanilang target, isang pamilya na tinagurian nilang “Pamilya ng Wanted” sa Gagalangin, Tondo.
Ang unang suspek, miyembro ng kilabot na grupo ng Pitas Gang sa Maynila at umano’y nasa likod ng sunod-sunod na nakawan ng kuliglig o tricycad na de motor sa Maynila.
Ang ikalawang suspek, ang ina nitong may kasong Violation of Sec. 5 ng Anti –Illegal Drugs Act o pagtutulak ng ipinagbabawal na droga.
Ang ikatlong suspek, nauna nang nahuli at anak ng ikalawang suspek. Miyembro rin ng Pitas Gang at kasalukuyang nakakulong sa kasong Robbery.
Lahat ng mga suspek, walang piyansa ang kanilang mga kaso. At dahil dalawa pa sa mga suspek ang laya, naikasa ang isang operasyon sa pagtugis ng mga suspek.
BITAG ang napiling magdokumento ng CIDG-MPD sa delikadong operasyon na ito.
Naging maaksiyon at matensiyon ang nangyaring operasyon, salamat naman sa may lumikha at walang nasugatan sa panig ng mga operatiba ng CIDG-MPD at BITAG.
Abangan ngayong Sabado ang kabuuan ng operasyon kasama ang Team Silo ng BITAG. Ganito rin ang kahihinatnan sa iba pang Wanted na gumagala lamang sa inyong lugar kapag na-i-tip sila sa aming grupo.