EDITORYAL - Maraming kandidato nangangako ng 'langit'
HALOS lahat ng kandidato ay nangangako sa mamamayan nang mabuti at maayos na buhay sa hinaharap. Pawang magaganda ang namumutawi sa kanilang labi. Lahat ay gagawin at tutuparin. Lahat ay makakaya. Lahat ay gagampanan.
Bawat kandidato ay ganyan ang sinasabi at nagkakaiba-iba lang sa estilo ng pagsasalita at pagdedeliber ng talumpati. Pero kung kikilatisin, lahat ay nangangako ng “langit”. Kayang-kaya raw nilang ipagkaloob ang “langit”. Kukumbinsihin ang mamamayan sa pamamagitan ng mga mabubulaklak na pananalita.
Ang pagsupil sa corruption ang number one nilang ipinangangako. Halos lahat ng presidentiables ay nangangako na wawakasan ang corruption sa pamahalaan. Ang corruption ang nagpapahirap sa mamamayan. Kaya matigas ang banta ng mga presidentiables na kapag sila ay naupo, hindi nila bibigyang pagkakataon ang mga tiwa-ling grupo na makapag-transactions sa gobyerno. Hindi na dapat bigyan ng pagkakataon ang mga tiwali na makapamayagpag sa bansa.
May presidentiable na nagsabing anim na taon na walang corruption kapag siya ang nahalal. Pipigilan ang pagnanakaw sa pamamagitan ng mali- nis na pamumuno. Maglilingkod ng tapat at hindi sisirain ang naipangako sa mamamayang nagtiwala.
May presidentiable na nagsabing itutuwid niya ang landas na liku-liko. Ang landas daw na liku-liko ay katulad ng ahas at patungo sa katiwalian. Nararapat nang maputol ang katiwalian.
Maraming pangako ang mga kandidato na parang kayang-kayang ibigay ang langit sa mga botante.
Ngayon ang tamang panahon para naman suriing mabuti o maging matalino sa pagpili ng pinuno. Maging mapagmasid sa mga galaw ng kandidato. Hindi na dapat panatilihin ang dating ugali kung saan ay boto lang nang boto at hindi na pinag-aaralan ang background at pagkatao ng kandidato. Matuto na ngayong 2010 elections. Kung hindi matututo sa kangkungan uli pupulutin.
- Latest
- Trending