UNBELIEVABLE but true. Umamin si Manila 6th District Congressman Benny Abante na kailangang magsipsip kay Presidente Arroyo para makakuha ng pondo sa mga proyekto niya. Iyan ang ipinangangalandakan niya sa mga botante sa ika-6 na distrito ng Maynila.
Kung hindi raw siya dumikit nang todo kay Gloria ay malamang na natulad siya kina Alan Peter Cayetano at Francis Escudero na nawalan ng mga proyekto sa mga huling araw nila sa kongreso matapos na kumalas sa alyansa ng Malacañang. Naku, ito pala’y isang gobyerno ng palakasan sa Pangulo. Kung bumabanat ka sa maling gawa ng administrasyon, wala kang bendisyon – ganun ba?
Banggitin natin ang mga ipinamamaraling “tulong” ni Rep. Abante sa mga taga 6th District: Ipinaospital daw niya ang isang batang nasagasaan kamakailan at; pinatawad niya ang isang tanod na naninira sa kanya; Pinapag-aral daw niya sa kolehiyo ang mga mahihirap na high-school graduates; ipinaaspalto niya ang main road na nasa loob ng Manila 6th District kahit pa ang karamihan sa mga ito ay hindi naman nangangailangan ng pagsasaayos.
Kung tutuusin, di naman dapat sumisipsip sa administrasyon. Ubrang magpatupad ng programa gamit ang poder ng isang mambabatas na halal ng taumbayan. Mamamayan ang bumoboto sa Kongresista at hindi ina-appoint ng Pangulo. Kailangan pa ba ang lakas sa Malacañang para maipagamot ang isang naaksidente o patawarin ang isang tanod?
Sa isyu ng scholarship at allowance sa mga senior citizens naman ay may mga batas nang sumasakop diyan.
Hindi na kailangang hingin pa ang basbas ng Palasyo kundi implementasyon lang ng batas.
At bakit dapat bigyang prayoridad ni Abante ang pag-aspalto sa mga daan gayung ang kapakanan ng kanyang mga kadistrito ang dapat atupagin at hindi ang mga motorista. Mayroon nang DPWH para umasikaso diyan at iba pang batas para sa pagsasaayos ng mga kalsada.
Hindi pa naman siguro huli ang lahat para pag-isipan ng malalim ng mga taga Manila 6th District ang mga ipinagmamalaki ni Abante, kung talagang dapat itong ipagmalaki at pumili na ng pinakamahusay na alternatibo mula sa kanyang mga kalaban.