NAPAPANAHON ang panawagan ng Namfrel sa Comelec na isa-publiko ang mga gastusin para sa halalan. Kasi kung bukas ang poll body sa busisi ng madla, matitipid ang P16.5-bilyong budget pang-halalan.
Dalawa ang pinanggalingan ng pondo. Nilaan ng Automation Law ang P11.3 bilyon; galing sa 2010 national appropriations ang P5.2 bilyon. Sa kabuuan, P10 bilyon na ang nagagasta ng Comelec.
Kasama na sa P10 bilyon ang P7.2 bilyon para upahan ang 82,200 precinct count optical scanners mula sa Venezuelan company Smartmatic. Ito ang pinaka-malaking gastos.
Heto ngayon ang sisti. Sa balanseng P2.8 bilyon na iba’t ibang kontrata, 61% ay sinolo ng siyam na kumpanya na palaging nananalo sa bidding o negosasyon mula pa 2001. 32% ay kinanal ng muli ng dayuhang Smartmatic. At ang natitirang 7% — barya lang, ika nga — ay napunta sa mga lehitimong kumpanya.
Ilista natin ang mga ito. Una, sa Smartmatic: P243 milyon gumawa ng 77,000 ballot boxes (walang bidding; P499.1 milyon para ihatid ang 60/7 milyong balota sa kani-kanilang precinct cluster; at bukod pang P519 milyon panghatid ng PCOS at balot boxes sa parehong mga presinto.
Ikalawa ang napunta sa siyam: P1.6 bilyon sa Unison para pang-Automated Fingerprinting Identification System na hindi naman kinayang tapusin para sa 2010 elections; P174.2 milyon napunta sa Noah Paper Mills para sa pallets at lifters; P5.76 milyon sa OTC Paper Supply para sa stamp pads; at P156.53 milyon muli sa Noah para sa carbonless paper.
Ang anim pang malimit manalo ay Consolidated Paper Products, Lamco Paper, Embu Integrated Trading, Synergy, Forms International, at Philand Industries. Ilan lang sa mga na-corner nilang kontrata: P28 milyon para sa ultraviolet lamps; P400 milyon para sa naunang carbonless paper; P800 milyon sa watermarked paper; at muntik na, ang P700 milyon para sa hindi naman kailangang special ballot secrecy folders.