MARAMING nakabasa sa open letter ni Katrina Isabel Suzara sa isang pahayagan. Isa siyang single mother at presidente ng Emergence Consultancy Service. Tulad ng ibang ina, ang ibig niya’y mabigyan ng magandang future ang kanyang tatlong anak. Parang “lagareng hapon” na halos hatiin ang katawan sa tatlong trabaho. Siguro, dahil diyan ay nakadama ng pagkalunos si Katrina sa nanay ni Villar na tila hindi nabigyan ng kredito ng anak sa kanyang mga political salvos at advertisements.
Tinuran ni Katrina ang sinasabi ni Villar na siya ay galing sa isang mahirap na pamilya at nagtagumpay sa sariling pagsisikap. Ni walang binanggit na taong tumulong sa kanya tulad ng magulang, kapatid, kaibigan o guro. Siya lang ang bida! Sariling “sikap at tiyaga.”
Bagamat nabanggit niya sa kanyang bio-data ang kanyang tatay na si Manuel Sr. at ang inang si Curita, walang himig ng pagtanaw ng utang na loob si Villar sa kanyang mga advertisements sa radio o telebisyon o kahit sa internet.
Tanong ni Katrina? Hindi man lang ba nagpakahirap ang kanyang nanay sa pagtataguyod ng kanilang edukasyong magkakapatid? Hindi ba nagpakahirap itong si Aling Curing araw at gabi sa pagtitinda na dapat man lang sana ay binigyang kredito ng isang anak? Mahirap daw ba sabihing “dahil sa sipag at tiyaga ng aking mga magulang ay nakaahon kami sa hirap?”
Siyanga pala, matapos ang “Villaroyo” secret deal, “Villar-tuan” naman ngayon ang latest na tambalan sa pulitika. Si Manny Villar ang tunay na sinusuportahan ng Ampatuan clan nguni’t iniligaw at niloko ni Mayor Andal Ampatuan, Jr. ang publiko nang sabihin niya sa kanyang presscon na si Noynoy Aquino na ang kanilang kandidatong pangulo.