Edwin Valero

BALITANG-BALITA ang nangyari kay Edwin Valero, ang boksingero na taga-Venezuela. Nagpatiwakal siya sa loob ng kanyang selda gamit ang mga damit. Hinuli siya ng mga pulis matapos aminin na pinatay niya ang kanyang asawa sa loob ng isang hotel. Tadtad ng saksak ang kanyang asawa. Sa nakaraan ay may record na rin si Valero ng pananakit sa kanyang asawa, ina at kapatid. Tila may kasaysayan ng di tamang pag-iisip ang boksingero.

Kilala si Valero bilang knockout artist, kung saan halos lahat ng nakalaban ay napabagsak sa unang round pa lang! Wala pa siyang talo sa 27 laban. Matagal na ring pinaplano na makalaban sana ni Valero si Manny Pacquiao. Naggirian pa nga sa isang okasyon nang sabihin ni Manny na kaya natatalo ni Valero ang kanyang mga kalaban ay dahil puro tricycle driver lang naman. Nagalit si Valero at sinabing maglaban na lang sila at makikita ni Pacquiao na isa rin siyang tricycle driver! Pero nataon na naging magkaibigan ang dalawang boksingero. Nagpunta pa nga si Valero, kasama ni David Diaz sa selebrasyon ng kaarawan ni Manny sa Gen. Santos noong 2008. Maganda sanang laban kung natuloy sina Valero at Pacquiao. Sino kaya ang unang babagsak?

Pero sa kabila ng kanyang walang talo na rekord sa boksing, tila ang buhay naman ang tumalo kay Valero. Malamang ay may mabigat na problema at hindi na tama ang pag-iisip. Tadtarin ba naman ng saksak ang beinte anyos na asawa, wala na talaga sa tamang pag-iisip iyan. Sana ay napansin ng kanyang mga kasama sa training at ng mga kapamilya’t kaibigan ang mga maliit na pagbabago sa ugali niya. Minsan ay ito na ang mga sigaw ng tao para humingi ng saklolo, na hindi naman maibigkas. Kadalasan ang mga tumutuloy sa pagpapakamatay ay tumatahimik na at wala nang kinakausap, pati yung mga malalapit sa kanya. Ito ang mga dapat bantayang senyales ng isang malaking problema na inuubos ang isang tao mula sa loob. Hindi rin natin maintindihan na tatamaan ng mga ganyang problema ang isang taong sikat, mayaman, may maganda at maayos na pamilya, na muuwi pa sa pagpapakamatay. Para sa ilan siguro, hindi pa sapat ang lahat niyan para maging masaya sa buhay. Katulad na lang ni Edwin Valero, na natalo na rin.

Show comments