WALANG bayag ang mga pulitiko sa Lakas-Kampi-CMD na nag-iwan kay Gilbert “Gibo” Teodoro. Nitong nagdaang mga araw, kaliwa’t kanan ang mga pulitiko na nag-abandona ke Gibo at mayroon din na nagpaplano na lumipat na rin ng bakod. Ang unang dahilan ng mga walang bayag na pulitiko eh nasa disarray ang partido nila at si Gibo ay kulelat sa mga survey ng mga bayarang Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia. Subalit sa isang survey naman, aba pumangalawa na si Gibo ke NP bet Nacionalista Party Manny Villar. Pangatlo na lang si LP bet Noynoy Aquino. Marami ang nagsasabing imposibleng matalo si Noynoy sa darating na May election dahil malayo ang agwat niya sa mga survey ng SWS at Pulse Asia. Eh kung paniniwalaan ang survey, eh hindi na dapat tayo mag-election at isasagawa na lamang ang pagpili ng presidente at iba pa sa survey, di ba mga suki? O saan kayo mga suki, sa survey ba o sa election?
Inuulit ko, ang SWS at Pulse Asia ay aandar lamang kapag may naglagak ng pondo sa kanila. Ang ibig kong sabihin ay ‘yung nag-commission sa kanila. Subalit itong survey na inilabas kahapon ay pinondohan ng multi-national companies na namuhunan sa bansa at si Gibo ay pumangalawa na. Kaya’t sila ang mas dapat paniwalaan kaysa sa bayarang Pulse Asia at SWS na kinokundisyon lang ang utak ng mga Pinoy pabor ke Noynoy, di ba mga suki?
Naiintindihan ko si Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales kung lumipat siya sa LP dahil ito talaga ang partido ng yumao niyang ama. Ang hindi ko maintindihan ay ang paglipat ng bakod ni Albay Gov. Joey Salceda sa LP dahil economic adviser siya ni GMA. Si Salceda pa ang itinuturo ng bagong pamunuan ng Lakas-Kampi-CMD na may pasimuno sa Team Palabra de Honor para isulong ang kandidatura ni Gibo. Subalit ‘yaon pala, iiwan din niya ang pobreng si Gibo at naging campaign manager pa ng LP sa Bicol. Itong si Salceda ay walang palabra de honor, ano sa tingin n’yo mga suki? Hindi bitbit ni Salceda itong bayag niya sa laban. Baliktarin pala siya.
Ito namang si House Speaker Prospero Nograles na tumatakbong mayor ng Davao City ay urong-sulong kung magdesisyon. Nag-float kasi si Nograles na hindi siya kuntento sa trato sa kanya ng Lakas-Kampi-CMD at nagpahiwatig pa na kakalas na subalit sa bandang huli ay nangako na hindi rin siya aalis sa partido. He-he-he! Ano ba ‘yan?
Kaya’t sa intramurals na ito sa Lakas-Kampi-CMD, ang naiwang tulala ay si Gibo. Kawawa naman siya at iniwan ng partido na ipinalit niya sa NPC, ang partido ng uncle niya na si Danding Cojuangco. Subalit imbes na mawalan ng gana, pinipilit ni Gibo na lalong pag-ibayuhin ang pagkakampanya dahil na rin sa malaking crowd na mainit na sumasalubong sa kanya tuwing campaign sortie niya sa probinsiya. Subalit marami naman sa mga kausap ko ang nagsasabing kahit iwan pa ng partido niya si Gibo, aba iboboto nila ito sa Mayo dahil siya lang ang sa tingin nila ang competent, the most qualified, intelligent at higit sa lahat walang utang na loob kahit kanino.
Kaya walang iwanan mga suki. Si GIBO ang dapat bilugan sa balota n’yo! Abangan!