EDITORYAL - Martial law dapat para malipol na ang Sayyaf
SA nangyaring pambobomba ng Abu Sayyaf sa Isabela, Basilan noong Martes, nararapat nang magkaroon nang puspusang opensiba laban sa mga salot. Hindi na sila dapat tigilan ng Armed Forces of the Philippines sapagkat ma-aaring makagawa uli sila ng panibago na namang pagsalakay at maraming sibilyan na naman ang mamamatay kagaya nang nangyari noong Martes na 15 katao ang napatay.
Planadung-planado ang ginawang pambobomba. Dalawang beses nagkaroon ng pagsabog. Ang ikatlong bomba ay naagapan at pasasabugin sana malapit sa bahay ng isang judge. Ang unang bomba ay sumabog malapit sa grandstand sa Bgy. Sampurna at ang ikalawang bomba ay sa may Sta. Isabel Cathedral. Walang habas na namaril ang mga suspect sa mga sibilyan at marami ang bumulagta. Limang suspect naman ang napatay ng military Ang tatlo sa mga suspect ay nakasakay sa sumabog na van. Ang huling pambobomba na naganap sa Basilan ay noong December 1986.
Nangamba si Basilan Bishop Martin Jumoad na maaaring bumalik ang Abu Sayyaf at muling maghasik ng karahasan kaya nakiusap siya sa mga sundalo at pulis na tugisin ang mga suspek. Nagpahayag din ang Obispo ng pagpabor sa martial law sa Basilan. Pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagdedeklara ng martial law sa Basilan sakali at magtutuluy-tuloy ang ginagawang paghahasik ng lagim ng Abu Sayyaf.
Kung martial law ang kasagutan laban sa walang tigil na pamiminsala ng Abu Sayyaf ay gawin na ito. Hindi na dapat pang ipagpabukas-bukas ang paggamit ng “kamay na bakal” laban sa Abu Sayyaf na kilala nang mga mamamatay-tao, rapist, kidnapper, mandarambong at iba pang katulad na kasamaan. Kung martial law ang kasagutan, ilatag na ito at huwag alisin habang may natitirang Sayyaf. Ultimong kaliit-liitan ay ubusin. Kasabay sa pagdedeklara ng martial law, hikayatin naman ng mga sundalo ang mamamayan doon na huwag suportahan ang Abu Sayyaf at sa halip tulungan silang pulbusin ang mga ito.
- Latest
- Trending