Mag-ingat sa estilong SAN-BEN-CAR

TAONG 2007 nang mahulog sa BITAG ang “SAN-BEN-CAR” (Sanla, Benta, Carnap), isang estilong ginagamit ng carnapping syndicate, ang “Kambal-Tuko”.

Sa estilong ito, tagumpay ang sindikato ng mga karnaper dahil walang kahirap-hirap nilang naitatakbo ang sasakyang isinanla nila sa buyer o biktima.

Dahil bago pa man maibenta o maisanla ang sasakyang inaalok ng sindikato, naipaduplicate na nila ang susi ng sasakyan.

Kung kaya’t kahit nakaparada at naka-lock man ang sasakyan, nakakarnap ito o stolen while park.

Kaya naman, narito ang mga tips para hindi mabiktima ng modus na ito.

Kung may nagsanla sa inyo ng sasakyan na kilala niyo man o hindi, i-check muna ang mga papeles nito sa nasabing banko o financing kung talagang paid-off na ang sasakyang isinasanla.

Tandaan na ang mga sasakyang sinasanla ay hindi na dapat binabayaran o tapos na ang kanilang utang sa banko o sa financing.

Para makasiguro na ang sasakyang ito ay walang sabit, dalhin ang sasakyan sa Kampo Krame sa Highway Patrol Group at ipasilip ang chasis number kung ito ay hindi tampered

Iberepika din ang mga papeles sa Land Transportation Office (LTO), ‘wag na ‘wag magtiwala at makipagtransaksiyon sa mga fixer.

Maaaring may koneksiyon ang sinumang sindikato ng karnaping sa LTO, makabubuting sa mga lehitimong empleyado lamang makipagtransaksiyon.

Siguraduhin na ang orihinal na susi ng sasakyan at ang duplicate nito ay ibibigay sa inyo ng nagbenta o nagsanla.

Mas makabubuti kung palitan ito ng mga bagong door lock at bagong alarm. Itapon niyo na yung mga dating susi dahil lingid sa inyong kaalaman, may duplicate pa nito ang sindikato.

Bumili ng mga gadget na bakal na magla-lock sa manibela. Ito ay paniguro kung sakaling tatangkaing karnapin ang inyong sasakyan.

Huwag basta-basta pumatol sa mga alok na kalahati ng presyo ng sasakyan ang inyong babayaran dahil ang mga sasakyang ito ay paniguradong talon o may sabit sa financing.

Kapag hindi nasunod ang alinman sa mga ito, asahang paglabas ng bahay, naglaho na ang sasakyan mo.

Alam ng sindikato ang tirahan ng pagsasanlaan muna bago ibenta, saka nila kakarnapin nang walang kahirap-hirap, gamit ang orihinal na susi na hawak nila.

Show comments