Seguridad ng balota tinanggal ng Comelec
PARANG libreng sample ng pusher pang-udyok sa addict, bago taasan ang presyo. Ipinakita ng Comelec at automation supplier Smartmatic lahat ng galing ng precinct count optical scanner. Matapos mapahanga ang mga media at mapakumpiyansa ang 81% ng publiko, pinatay naman ang mga seguridad laban sa pandadaya sa automated election.
Unang tinanggal ang screen na nagpapakita sa botante kung paano siya bumoto. Pang-seguro sana ito na tama ang pagbasa ng PCOS sa balota bago pindutin ang “enter” para isubo. Taglay ng parehong PCOS model SAES-1800 ang screen nang gamitin sa halalan sa New York.
Naglaan ang Comelec ng P11.3 bilyon para sa automation. Nanalo ang Smartmatic sa sobrang babang bid na P7.2 bilyon. Pero hindi maari ipalusot ang maling presyo sa pagkukuripot sa seguridad ng balota.
Pangalawa ang ultraviolet mark reader ng PCOS. Ito ang pangtiyak ng PCOS kung tatanggapin ang tunay na balota at iluluwa ang peke. Inalis ng Comelec-Smartmatic ang secret U/V mark dahil mahirap timplahin ang tinta. Pero ang hirap din mismong ‘yon ang pang-iwas sa pag-imprenta ng pekeng balota.
Mas delikado, inalis ng Comelec-Smartmatic ang U/V matapos baguhin ang ballot box. Plano nu’ng una na see-through polycarbonate ang boxes, para makita ng botante ang loob. Bumago lang sila sa opaque dahil pinalalabo umano ng sikat ng araw ang U/V marks. Tapos, inalis nila ang U/V reader, pero hindi sila bumalik sa transparent boxes.
Ikatlo, at malamang hindi huli, inalis ng Comelec ang electronic signature ng Board of Election Inspectors (mga guro). Nu’ng una, dapat muna i-enter ng tatlong BEI members ang kanilang passwords bago i-transmit ang mga resulta mula precinct cluster patungong canvassing center. Walang rason, biglang binago ng Comelec ang patakaran. Anang mga eksperto, dahil daw ito sa atrasadong pag-recruit ng Smarmatic subcontractors ng info-technicians at pagturo sa BEIs gamitin ang PCOS.
- Latest
- Trending