Pasko ng Pagkabuhay, tunay na pagbabago

LINGGO ng Pagkabuhay. Linggo ng pagbabago. Mensahe lagi ng simbahan ito sa tuwing sumasapit ang Easter Sunday. Mensahe ng Santo Papa, ng Presidente, ng Obispo, lahat ng pari, pastor at dekano. Pero sa taong ito na idaraos ang election, baka mas may kabuluhan ang salitang pagbabago. Sa dami-dami ng nakakausap ko hinggil sa darating na eleksiyon, lalo ng mga kabataan, lahat ay sabik makilahok sa eleksyon. Wala pa yata akong naramdaman na ganitong katinding pananabik sa isang eleksiyon. Patunay lang sa pagkauhaw ng mamamayan para sa pagbabago. Patunay lang kung gaano kapagod sa kasalukuyang administrasyon.

Ilang linggo na lang ay magtutungo ang mamamayan sa mga voting precinct, para mabigyan ng pagbabago ang bansa. Pero tulad ng mensahe ng pagkabuhay, na mangyayari lamang kung may sinseridad ang humihiling ng pagbabago, ganun din sa darating na halalan. Lahat na lang ng pulitiko ay mangangako ng pagbabago. Lahat ay mangangako na babaguhin ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa. Kung ihahambing natin kay Panginoong Hesus, parang ganun na rin ang kayang mensahe sa mga tao, bago niya inalay ang kanyang buhay para sa mundo. Dapat ganun din ang pangako ng bagong presidente. Bayan muna bago ang sarili, bago ang sinoman. Kung magagawa ang sakripisyong iyon, katulad na rin ng napakalaking sakripisyo na ginawa ng mahal na Panginoon, tunay na pagbabago ang makakamit ng bansa.

May mga nagsasabi na siguradong pagbabago ang magaganap sa bansa, dahil siguradong magpapalit na ang administrasyon. Sana nga ganun ang mangyari, na magkakaroon ng bagong gobyerno. Sa mga balita, haka-haka at kuro-kuro, baka ganun pa rin daw ang patakbuhan dahil sa higpit ng pagkapit ng kasalukuyang administrasyon sa kapangyarihan, na dinadaan sa ibang pamamaraan. Nasa ating kamay, sa kung sino ang gusto nating ilagay sa Palasyo, kung ganun nga ang mangyayari. Kung manatili ang dating administrasyon pagkatapos ng halalan, tayo na rin ang may kagagawan nun. Ang mga naging Kristiyano matapos ang pagkamatay, at pagkabuhay ni Hesus, ang mga nagtuloy ng pagbabago sa mundo. Kapag nahalal na ang bagong presidente, nasa atin din ang pagpapatuloy ng pagbabagong iyon.

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa lahat!

Show comments