Dapat ilipat na si Jason Ivler!
AYON sa ina ni Jason Ivler na si Marlene Aguilar, hindi pa raw puwedeng ilipat ang kanyang anak sa isang kulungan dahil nakalabas pa ang bituka nito. Si Jason ay nilagyan ng colostomy, o sa madaling salita, kapirasong nilabas ang kanyang bituka, at dumudumi siya sa isang plastic na bag. Maraming sitwasyon kung bakit ginagawa ito ng doktor sa pasyente. Isa rito ay ang kanser ng colon, katulad ng nangyari sa aking ina. Kaya ko alam itong ginawa kay Jason. Sa kaso ni Jason, may bahagi ng bituka niya ang natamaan siguro ng bala nang makipagbarilan sa NBI agents. Ito ang ginagawang depensa ng pamilyang Aguilar para hindi malagay sa isang regular na kulungan si Jason.
Nang nilagyan ng colostomy ang aking ina, pinayagan na siyang umuwi ng mga doktor. Tinuruan siya kung paano magpalit nung bag na sumasalo sa mga dumi niya kapag napuno na. Tinuruan din kung paano maglinis nung nakalabas na bahagi ng bituka para hindi naiimpeksyon. Animnapu’t anim na taong gulang ang aking ina. Huwag nilang sabihin sa akin na hindi kayang linisin at magpalit ng colostomy bag si Jason, kaya dapat nasa ospital! At huwag nilang sabihin na maselan ang lagay ni Jason dahil sa nakalabas na bitukang iyon!
Si Jason ang pangunahing suspek sa pagpatay sa anak ni Renato Ebarle Sr. Nagtago ito ng ilang buwan, sa tulong ng kanyang ina. Nang makita siya sa tahanan ng ina, nakipagbarilan sa NBI kung saan may nasaktan din sa panig ng agents. Sa mata ng publiko, siya’y isang kriminal na nakipagbarilan sa mga alagad ng batas. Ngayon, siya pa ang kawawa at nasa maselan pang kundisyon, kaya hindi puwedeng ilipat sa regular na kulungan? Ano kaya ang takbo ng kuwentong ito kung hindi siya kilalang tao, kamag-anak ng isang sikat na mang-aawit? Ano kaya ang takbo ng kuwentong ito kung mahirap lang at walang mga abogadong nag-aral sa Ateneo o UP na nagtatanggol sa kanya? Kaya ngayon, hindi makausad ang hustisya, dahil sa kanyang mga “special” na hiling!
Mahirap talagang intindihin ang takbo ng hustisya sa Pilipinas. Katulad niyan, ilang Ampatuan ang mapapalaya matapos ibasura ang kasong rebelyon sa kanila! Ilang beses kong sinasabi na habang tumatagal ang kaso ng Ampatuans, mapapalaya na nang lubos ang mga iyan! Di kaya ganun na rin ang plano kay Jason?
- Latest
- Trending