Uubusin ni Rosales ang drug syndicates
NADAGDAGAN na naman ang feathers in the cap ni NCRPO chief Dir. Roberto Rosales sa pagkakumpiska ng mga tauhan niya ng aabot sa P10 bilyon na kagamitan at sangkap sa paggawa ng shabu sa isang raid sa Taguig City noong nakaraang linggo. Si Rosales ay masasabi kong mahigpit na kalaban ng drug syndicates. Si Rosales ang nakahuli kay Panukulan, Quezon Mayor Ramon Mitra noong siya pa ang provincial director ng probinsiya. Halos ilang sako ring shabu sa loob ng isang ambulansiya ang nakumpiska. Nasa kulungan pa rin siya at malapit nang mahusgahan. Kaya sina William Altejeros alyas Charlie Sy Lim, 40, at Goufu Fu, 40, Chinese nationals na naaresto sa shabu lab na matatagpuan sa No. 5 Carlo Drive, Manalac Subd., sa Bgy. Bagumbayan, ay tiyak dadanasin din ang sinapit ni Mitra. Dapat sa kanila ay mabulok sa bilangguan.
Ang 7,000 sq. meter lot pala kung saan nakatayo ang shabu lab ay nakarehistro sa pangalan ni Altejeros, ayon sa records sa Taguig City Hall. Kaya agad kumilos si Rosales para makumpiska ng gobyerno ang lote dahil hinihinalang bunga ito ng illegal na gawain ni Altejeros. Sinabi ni Rosales na makipagpulong siya sa Anti-Money Laundering Council (AMLAC) para pangasiwaan ang forfeiture proceedings laban sa lote ni Altejeros.
Ang mga nakumpiskang kagamitan at raw materials sa paggawa ng shabu ay nasa poder na ng PDEA. Inaalam nila kung saan galing na bansa ang mga ito. Wala kasing mga marka ang gamit at mga sangkap kaya kumilos ang PDEA para maabot ang source nito. Medyo matatagalan ang PDEA sa aspetong ito dahil na rin sa sobrang dami ng samples na ibinato sa kanila ng mga bataan ni Rosales.
Ayon naman ke Supt. Leo Francisco, lider ng RPIOU na nagsagawa ng raid, isang 50 anyos ang kanilang asset na maaring makatanggap ng mahigit P1 milyon na reward money. Tinugaygayan ng asset nina Francisco sa loob ng halos dalawang buwan at saka isinagawa ang pagsalakay. Kung titingnan sa labas, hindi mapupuna na may ilegal sa loob sapagkat napapaligiran nang mataas na bakod. At higit sa lahat, me gamit na sina Altejeros at Fu para walang masangsang na amoy na manggagaling sa shabu lab.
Nagniningning ang accomplishments ni Rosales at marami ang nagsasabing qualified na siya para palitan si PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa sa pagretiro nito sa Disyembre. Puwede, di ba mga suki? Tiyak ipagpapatuloy niya ang maigting na kampanya laban sa droga. Abangan!
- Latest
- Trending