NASIYAHAN daw ang Millenium Challenge Corp. (MCC) sa ginagawang pagsisikap ng anim na tanggapan ng gobyerno para labanan ang corruption. At dahil dito, inaprubahan na ang $500-million grant na hinihingi ng Pilipinas. Ang pagkakaloob ng grant ay isasagawa ng MCC sa pamamagitan ng Institute for Solidarity in Asia (ISA). Ang ISA ay isang civil society group na tumutulong para maitaas ang public governance sa Pilipinas. Ayon sa ISA, nakita ng MCC ang ginagawang reporma ng anim na tanggapan kaya inaprubahan na ang grant. Noong Nobyembre 2009, tinanggihan ng MCC ang kahilingan ng Pilipinas na makakuha ng grant sapagkat nakita nila ang grabeng corruption. Ngayon ay nakitaan ng pagbabago at reporma sa paglaban sa mga corrupt. Ang Department of Finance ang mamamahala sa pagkakaloob ng grant na ang katumbas ay P2.35-billion.
Ang anim na tanggapan ng pamahalaan na kinakitaan ng reporma para labanan ang katiwalian ay ang Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Department of Health, Department of Education, Department of Transportation and Communication at Philippine National Police.
Magandang balita ito na nagkakaroon na ng tiwala ang mga dayuhan at handa nang magkaloob ng pondo para sa ikagagaling ng Pilipinas. Hindi naman dapat sayangin ng Pilipinas ang pagtitiwalang ito at dapat pang magpursigi na labanan ang katiwalian. Hindi dapat mawalan ng saysay ang ipagkakaloob na pondo ng MCC at ipakita pa ng mga ahensiya na namumuhi sila sa mga gumagawa ng katiwalian.
Kung ang corruption ay mawawasak nang tuluyan, walang ibang makikinabang kundi ang taumbayan. Hindi mapuputol ang serbisyo sa kanila sapagkat maraming pondo. Malaking hamon naman ang problema sa corruption sa magiging presidente ng bansa. Pagtuunan niya ng pansin ang problemang ito para mahango na sa kahirapan ang mga Pinoy. Iprayoridad ito sa unang buwan pa lamang ng pamumuno.