Ilang mahistrado dapat mag-inhibit

KAPAG merong conflict of interest sa isang kaso, dapat lang mag-inhibit o bumitaw siya sa kaso. ‘Yan ang tinatakda ng Judicial Code of Conduct. Kaya sa usapin kung maari humirang si Gloria Arroyo ng bagong Chief Justice habang merong constitutional ban, nag-inhibit sina Supreme Court Justices Antonio Carpio at Renato Corona. Ninomina kasi sila sa Judicial and Bar Council bilang mga kandidato para CJ.

Pero merong pang tatlong SC justices na nominado rin pero bumoto: sina Arturo Brion at Teresita Leonardo de Castro na panig kay Arroyo, at Conchita Carpio Morales na dissenter. Sa pag-motion for reconsideration ng mga grupong kontra sa paghirang ni Arroyo ng bagong CJ, dapat sigurong hingin ang pagbitiw ng tatlo.

Dalawa pang justices ang merong conflict of interest sa kasong politikal. Ito’y sina Lucas Bersamin, na ponente ng kontrobersiyal na desisyon, at Presbitero Velasco, na nagsabing hindi pa hinog ang isyu. Pareho silang merong kamag-anak na kumakandidato sa halalan sa Mayo sa ilalim ng partido Lakas-Kampi ni Arroyo. Tumatakbong gobernador ng Abra ang kapatid ni Bersamin, at congressman ng Marinduque ang anak ni Velasco.

Sa walong-miyembrong Judicial and Bar Council, dalawa rin ang hindi dapat sumali sa pag-i-screen ng mga kandidatong CJ. Miski pag-i-interview ng mga kandidatong huwes, hindi dapat sila makialam. Ito’y sina retired Justice Regino Hermosisima at acting Justice Secretary Alberto Agra. Kapwa sila hindi pa nako-confirm ng Commission on Appointments. Kaya’t ma­sasabing hindi pa sila ganap na opisyales ng gob­yerno.

Pansa­mantala lang sila; nakasa­lalay kay Arroyo, bilang taga-appoint, ang kanilang pana­natili sa puwesto.

Dahil dito’y hindi maa­asahang matuwid ang kanilang mga desisyon.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments