EDITORYAL - Kalidad ng edukasyon ay pagtuunan ng pansin

NAIIWAN na ang Pilipinas ng mga kalapit na bansa sa Asia kung ang pag-uusapan ay ang kalidad ng edukasyon. Masyadong malayo na ang mga karatig bansa. Kung noong dekada ’60 at 70 ay maraming nagtutungong dayuhan sa bansa para mag-aral, ngayon ay iilan na lamang at maaaring sa mga susunod na taon ay wala nang mag-aral dito. Mababa na ang kalidad ng edukasyon at sa halip na dito magtungo, sa ibang bansa na lang na mas mahusay kaysa Pilipinas.

Mismong ang chairman ng Commission on Higher Education (CHED) ay nababalisa sa nangya­yaring paghina ng edukasyon sa Pilipinas. Inamin niya na talagang ang edukasyon sa bansa ay “deterio­rated” na at napag-iiwanan na ng neighboring countries. Sinabi pa ni CHED chairman Dr. Emmanuel Angeles, na sa halos lahat ng fields ay napag-iiwanan na ang Pilipinas. Noon daw, ang Pilipinas ay identified sa may pinaka-kalidad na edukasyon pero ngayon ay talagang nawala na ang pagkilalang iyon.

Nakakaligtaan at napapabayaan ang edukasyon. Iyan daw ang dahilan kaya mababa ang kalidad. Idinag­dag pa ni Angeles na nagsimulang ma-deteriorate ang edukasyon sa bansa sa huling tatlong dekada. At sabi pa ng CHED chairman, kailangang gumugol ng 20 taon para mapanauli ang mahusay at may kalidad na edukasyon. Isa sa mga paraan para raw magkaroon ng may kalidad na edukasyon ay i-required ang mga guro na may master’s degree. Dapat daw na mahigpit itong ipatupad.

Tama ang suhestiyon ni Angeles pero dapat din namang buhusan ng pondo ang DepEd. Ito ang dapat pagtuunan ng susunod na administrasyon. Maraming mahuhusay at matatalinong guro pero nasaan sila. Yung iba ay nag-aabroad, nagdo-domestic helper sa Hong Kong, nagki-caregiver sa London. Maliit lang kasi ang suweldo nila bilang teacher. Subukang lakihan ang kanilang suweldo at dagdagan ng benepisyo, gaganahan silang magturo rito at magpo-produce ng mga batang mahu­husay at matatalino.

Show comments