^

PSN Opinyon

'Rumampa o nirampa?'

- Tony Calvento -

MAHIRAP TANGGAPIN ang pagkawala ng isang mahal sa buhay lalu na’t may bahid ng pagdududa ang kanyang pagkamatay.               

Si Janice Balba, 29 na taong gulang ay nagsadya sa amin upang idulog ang pakiramdam niyang umano’y ‘foul play’ sa pagkamatay ng kanyang asawa.

Limang taon ng nagsasama sina Janice at asawa nitong si John Jemuel o “Jim”, isang ‘cell phone-technician’ sa Alabang Town Center (ATC).

Taong 2001 ng naging magkarelasyon sina Janice at Jim. Ilang buwan palang silang magkasintahan ng mabuntis si Janice.

Sa halip na panagutan ang bata, nung una’y ibinalik ni Jim si Janice sa magulang nito. Tatlong taong nawalan sila ng komunikasyon hanggang malaman na lang niyang umuwi ito ng Bohol at dun nanatili.

Hindi na siya umasa pang babalik ang asawa. Taong 2004 isang sulat ang natanggap ni Janice mula kay Jim.

Humingi ito ng tawad sa pagtalikod sa kanyang mag-ina dahil nga bata pa itong si Jim ng mabuntis si Janice wala siyang nagawa kundi takbuhan ang dalaga.

Muling nagsama sina Janice at Jim, taon-taon kung magbuntis si Janice hanggang umabot sa apat ang kanilang anak.

“Masaya ang pagsasama namin ni Jim, pinangako niya sa’king di na mauulit ang nangyari dati... hindi na niya ko iiwan!” pahayag ni Janice.

Ang inakala ni Janice na panghabang buhay na pagsasama nila ni Jim ay natuldukan ng isang madugong aksidente.        

Disyembre 23, 2009 pagkagaling sa trabaho ni Jim inaya siyang makipag-inuman ng kanyang pinsang si Joel Vista, kanya ring katrabaho kasama ang asawa ng kanyang kapatid na si Gilda.

Alas 3:45 na ng madaling araw hindi pa rin umuuwi si Jim. Nung una, hindi nag-alala si Janice dahil gawain na ng kanyang asawang magpa-umaga sa tuwing ito’y iinom.

Makalipas ang isang oras, isang tawag mula kay SPO2 Cristito Veluz ang gumising kay Janice.

“Ikaw ba ang asawa ni Cristito? Huwag kang mabibigla misis,” sabi ni SPO2 Veluz.

Tinanong ni Janice ang pulis kung anong nangyari. Sinagot naman siya agad ng pulis at sinabing, “Ang asawa niyo naaksidente sa motor naisugod na po sa South Super High Way Medical Center”.

Lumabas agad ng bahay si Janice. Pinabantay niya ang kanyang mga anak sa kapitbahay. Walang mahanap na sasakyan si Janice ng mga panahong yon kaya’t ng makita niya ang isang kapitbahay na naka motor ay agad siyang naki-angkas dito papuntang ospital.

Pagdating sa ospital naabutan ni Janice si Jim na nakatalakbong na ng puting kumot... wala ng buhay.

Ayaw niyang maniwalang patay na ang asawa hanggang makita niya ang nakalabas na sapatos ni Jim.

“Tinanggal ko ang kumot na nakatalakbong kay Jim. Niyakap ko ang asawa ko’t hindi ko mapigilan ang pag-iyak. Bakas sa mukha niya ang paghihirap. Nakalabas ang kanyang ngipin, salubong ang kilay at kunot ang kanyang noo!” maramdaming sabi ni Janice.

Pilit niyang iniisip na isang masamang bangungot lang ang lahat subalit hanggang isang lalaking naka itim na ‘jacket’ ang lumapit sa kanya at sinabing. “Kayo po ba ang asawa ng patay? Sumama na po kayo sa punerarya”.

Nagising sa katotohanan si Janice, patay na si Jim. Binalita niya sa mga kapatid ni Jim ang nangyari maging sa mga kaibigan nito upang manghingi ng tulong.

Dumeretso sila sa presinto Baliwan upang kunin ang mga na-recover na gamit ng kanyang asawa.

Nagtaka si Janice ng makitang sira ang ‘zipper’ ng bag ni Jim. Ang ‘calling card’ naman sa wallet ni Jim may bakas ng dugo. Ang isa pang kaduda-duda ay ng makita ni Janice ang Php1,000 sa wallet ng asawa.

Ayon kay Joel, humigit kumulang Php8,000 ang pera ni Jim sa wallet. Bago kasi umalis si Jim sa bahay may dala itong Php2,500 pang hulog sana sa bayad sa motor at nung araw na iyon kumita raw ito ng Php5,000

Hinala ni Janice may ‘foul play’ sa pagkamatay ng kanyang asawa. Hindi siya naniniwalang aksidente ang nangyari kay Jim.

“Ang motor ng asawa ko maayos, habang ang katawan niya halos magkanda lasog-lasog, pati helmet niya mga lumang gasgas lang meron,” kwento ni Janice.

Kwento pa ni Che, kumare ni Janice isa sa mga nakakita sa motor ng maaksidente wala man lang nasira sa motor kundi ang basag na ‘side mirror’ nito.

Kinuwestyon din ng mga ito kung bakit sa magkaibang presinto dinala ang ‘helmet’ at ang ‘motor’ ni Jim. Na-recover nila ang helmet sa mismong ‘impounding’ habang sa Presinto Baliwan naman dinala ang motor.

Base naman sa Investigation Report na isinagawa ni SPO2 Veluz at pinirmahan ni Police Senior Inspector Chief Percival Rada Pineda ‘the involved vehicle hit the cemented gutter and skidded sideward that caused his fatal injuries’. Ang nakakapagtaka ay kung bakit wala man lang umanong malalaking gasgas ang motor.

Dagdag pa ni Janice, napansin umano ni Joel na may hiwa sa tagiliran si Jim. Nang tanungin naman ni Janice sa mga pulis kung saan ito nakuha, bunga daw ito ng nakasukbit na bakal na nakatusok sa kanyang tagiliran.

“Hindi ako naniniwalang aksidente ang kinamatay ng asawa ko, malakas ang kutob kong may ibang nangyari sa kanya,” wika ni Janice.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Janice.    Nakausap namin ang SPO2 Cristito “Cris” Veluz ang traffic investigator nung maganap ang umano’y aksidente. Sinabi rin namin ni SPO2 Veluz na pati siya’y nagdudang baka may foul play ngang nangyari sa aksidente. Nangako naman si SPO2 Veluz na makikipagtulungan para malaman ang totoong nangyari sa kasong ito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Janice na sa isang kasong pagpatay importante ma-establish kung ano ang motibo bakit ginawa sa kanya yun.

Aminado rin si SPO2 VELUZ na nagtataka sila kung bakit ang motorsiklo ng biktima ay halos walang sira at gasgas lamang. Pati helmet nga walang kupi. Mga palaisipan na pinangako ng trapik imbestigator na ito na i-rerefer niya sa kanilang Criminal Investigation Division ng Muntinlupa PNP.

Nanawagan din kami  sa mga may nalalaman sa tunay na nangyari kay John Jemuel “Jim” Balaba. RUMAMPA ba ang kanyang motor o NIRAMPA ba si Jim?

Maari kayong makipag-ugnayan sa amin sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Para sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan Maari kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

EMAIL: [email protected]

vuukle comment

ASAWA

JANICE

JIM

KANYANG

LSQUO

VELUZ

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with