PAGKUMPUNI sa mga lubak-lubak na kalsada ang kinahantungan umano ng P92 milyong pork barrel ni Manila 6th District Congressman Benny Abante.
Sa mga nagdaan nating kolum, tinalakay natin ang hinaing ng ilang Manileño na constituents ni Rep. Abante. Sumemplang daw ang pangako ng Kongresista nang ito’y nangangampanya pa, gaya ng pagpapatayo ng pagamutan at allowance para sa mga barangay tanod.
Kaya sa kuwestyon kung saan dinala ng Kongresman ang pork barrel, iyan ang kanyang sagot bilang paglilinaw sa mga nakaraan nating kolum na medyo pumipilantik sa kanya. Pero tila disgustado pa rin ang mga kababayan natin diyan sa 6th district. Anila, hindi nararamdaman ng mga botante sa ikaanim na distrito ng Maynila ang kanyang pagmamahal. Kasi, ang tanging binubuhusan niya ng pondo ay ang pagpapatino ng mga kalye.
Kabilang sa mga ginagastusan ni Abante ay ang asphalting ng P. Sanchez Road sa bahagi ng Sta. Mesa Maynila na ginastusan ng P5 milyon, P5.5 milyon sa Ramon Magsaysay Blvd., P5.7 milyon sa Nagtahan Bridge at Flyover, P10 milyon sa Otis-Quirino hanggang Canonigo Road, P10 milyon sa Zamora, P15 milyon sa Quirino East Bound, P15 milyon sa Quirino West Bound at P20 milyon sa Jesus.
Kung totoo ang proyekto, dapat bigyan ng award si Abante ng Department of Public Works and Highways porke nabawasan ang problema sa mga baku-bakong mga kalye.
Kaso, sinasabi ng ilan nating kababayan diyan na malayo rin sa katotohanan ang mga proyekto ni Abante dahil lubak-lubak pa rin ang mga daan!
Isa pa, ang ini-expect ng mga mamamayan sa 6th district ay ang katuparan ng campaign promise ni Aban-te noon: Monthly allowance at bigas sa mga barangay tanod, barangay hall, day care centers, tanggal bara sa mga kanal, maayos na lamayan para sa mga patay, matinong pampublikong ospital at mga covered courts. Lahat daw ng mga pangakong ito ay napako!