ANG tagumpay na tinatamasa ng Pilipino Star NGAYON ay utang sa masa na walang sawang tumatangkilik. Kaya naman sa pagdiriwang ng ika-24 na anibersaryo, walang hanggang pasasalamat ang ipinaabot ng PSN sa masang Pilipino. Kung wala ang masa, wala rin ang PSN.
Ang masang Pinoy ang dahilan kaya itinatag ang pahayagang ito noong Marso 17, 1986. Layuning mabigyan ng pahayagang malaya na 20 taon ding sinikil ng diktador. Masyadong nauhaw sa kalayaan ang mga Pilipino at nauhaw din sa diyaryong hindi binusalan at nakakadena.
Dalawampu’t apat na taon na ang nakararaan subalit nananatili pa rin ang layunin ng PSN na paglingkuran ang masang Pilipino. Mula noon hanggang ngayon, matapang pa rin itong nagbubunyag ng kabulukan sa gobyerno at humikayat sa taumbayan na magbantay para hindi na muling manakaw ang kalayaan gaya ng ginawa ni Marcos.
Sa loob ng 24 na taon, apat na presidente ng Pilipinas ang namatyagan ng PSN. Si Cory, FVR, Erap at Gloria. Ang pinakasikat ay ang pagbagsak ng administrasyon ni President Estrada noong 2001 na naugnay sa maraming kaso ng katiwalian na nagpasiklab sa People Power 2 sa EDSA. Pumalit si Gloria Macapagal-Arroyo na nabahiran din nang maraming kontrobersiya at katiwalian ang kanyang administrasyon. Naugnay sa “Hello Garci”, NBN-ZTE deal, ang asawa at anak ay nasangkot sa isyu ng jueteng. Ngayo’y malapit nang lisanin ni Arroyo ang Malacañang at maghahalal na naman ng bagong presidente sa May 10, 2010.
May bago na namang mamatyagan ang PSN sa pag-alis ni GMA sa June 30, 2010. Irereport ng PSN kung anong uri ng presidente ang maluluklok sa May 10 at kung natupad ba ang mga pinangako niya lalo na ang ukol sa paglipol sa mga corrupt sa pamahalaan.
Dalawampu’t apat na taon na ang PSN at patuloy pang maglilingkod sa masang Pilipino. Hindi titigil sa paghahatid ng mga maiinit na balita para sa inyo. Patuloy pang magsisikap para maibigay ang isang makatotohanan at balanseng pahayagan. Walang kinikilingan, walang pinapaboran, kalaban ng mga corrupt at mapagsamantala sa bayan. Walang nababago sa pangako ng PSN sa masang Pilipino at lalo pang titindi sapagkat kung wala ang masa, wala rin ang pahayagang ito. Maraming salamat sa lahat.