Palasyo nasa likod ng midnight deals

SINASAMANTALA ng mga kawatan sa Malacañang ang power shortage sa Mindanao. Naghahanda silang bumili ng generator sets na kabuoang 160 megawatts para bahagyang mapunuan kuno ang kakulangan. Pero ang talagang pinupuno nila ay mga sariling bulsa — ng kickback mula sa emergency purchase sa state of calamity na hindi dadaan sa open public bidding. Ito’y bagamat kaya naman ng private companies na bumili ng sari-sariling gen-sets — walang kickback — habang panahon ng shortage.

Malacañang din mismo ang nasa likod ng Diosdado Macapagal International Airport midnight deal. Inaapura ni chairman Nestor Mangio ng government-owned Clark International Airport Corp. ang pagbalato ng kontratang pagpapalawak at pagpapatakbo ng DMIA sa Kuwaiti firm na Al Mal. Ito’y bagamat ibinasura ng CIAC board mismo nu’ng Disyembre 2008 ang orihinal na Kuwaiti proposal dahil labis na nilalamangan ang gobyerno. Dagdag pa rito ang pasya ng Government Corporate Counsel na ilegal ang mga probisyon ng joint venture ng Al Mal at CIAC. Pero nabuhay muli ang pakikipag-usap sa Al Mal matapos bumisita si Gloria Macapagal Arroyo sa Middle East nu’ng Mayo 2009. Si Peter Favila, ang trade secretary na katatalaga pa lang sa Monetary Board at paborito ni Arroyo, ang nagmamaneobra ng kontrata.

Pina-fast break din umano ang pagbenta sa pribadong kumpanya ng tatlo sa apat na ektarya ng Broadcast City, head office ng IBC-13 at RPN-9. Umano’y P700 milyon lang ang presyo, gay’ung hindi bababa sa P1 bilyon ang totoong halaga ng prime lot sa Quezon City.

At ibinenta ng Home Guaranty Corp. ang 2.8-ektaryang bahagi ng Harbour Centre sa Port Area Manila sa halagang P13,000 kada metro kwadrado. Ito’y bagamat P25,000 kada metro kwadrado ang presyo ng mga karatig na lote. Nalugi ang gobyerno ng P300 milyon.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments