EDITORYAL - H'wag papormahin, kandidatong sangkatutak ang bodyguards
HINDI pa pormal na nagsisimula ang kampanya ng mga tatakbo sa local positions pero ngayon pa lamang ay marami nang madudugong pangyayari na kinasasangkutan nila. At paano pa nga kung lumarga na sa Marso 26 ang kanilang kampanya, baka kaliwa’t kanan na ang mga kaguluhan. Baka kabi-kabila ang barilan. Baka sa simpleng pagka-kabit lamang ng posters, streamers ay magkainitan at magratratan sila. Posibleng mangyari ito sapagkat ang mga kandidato sa local positions ang may private army. Marami silang tauhan na magtatanggol at makikipaglaban para hindi maagrabyado ng kabilang partido. Dadanak ang dugo sapagkat bawat kandidato ay hindi magpapatalo. Lalaban nang patayan sapagkat may ipinagmamalaking armas at bodyguards.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), 28 kandidato ang napapatay mula nang magsimula ang kampanya noong Enero. Hindi pa kasama sa bilang ang mga nasaktan na ayon sa pulisya ay maaaring tumaas pa sa pagsapit ng local campaign. Ayon sa PNP ang mga biktima ay kinabibilangan ng 16 barangay chairmen, anim na councilors, tatlong mayor, isang governor, isang board member at isang vice mayor.
Mas madugo ang kampanya sa mga kumakandidato sa local positions at hindi naman ganap na namo-monitor ng pulisya ang mga kaganapan sa maraming lugar sa bansa. Kakatwang kapag nagkapatayan na saka na lamang nalalaman ang malagim na pangyayari. Kahit na sinabi ng PNP na patuloy ang pagmamanman nila sa mga checkpoints, hindi rin masawata ang karahasan.
Sa Metro Manila ay nakasisiguro na walang gaanong karahasan, sapagkat maayos na naisasagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang tungkulin. Dito ay naipatutupad na dalawang police bodyguard sa bawat kandidato. Mas mahirap sa probinsiya na hindi makontrol ang mga kandidato sa pagbubuo ng sarili nilang hukbong sandatahan. Hindi nasusunod ang kautusan ng Comelec na dalawang bodyguard lang. Mas makabubuti kung paiigtingin ng PNP ang kanilang pagmamatyag sa mga kandidato sa probinsiya. Pigilan ang karahasan. Siguruhin ng PNP na kaya nilang pigilan ang mga karahasan na dulot ng mga armadong tauhan ng pulitiko. Huwag hayaang dumanak ang dugo sa 2010 elections.
- Latest
- Trending