NOONG una - si Senate President Juan Ponce Enrile ang nag-akusa kay Nacionalista presidential bet, Sen. Manny Villar na nagtangkang manuhol sa kanya para matabunan na ang sinisiyasat na C-5 road project controversy. Tapos, lumantad si Puwersa ng Masang Pilipino presidentiable Joseph Estrada at sinabing may nanunuhol sa kanya para umatras sa presidential race. Kahit walang tinutukoy na pangalan ay tumbok na tumbok si Villar.
At ang pinakahuling akusasyon ay mula sa isa pang presidential aspirant na si Sen. Dick Gordon na tuwirang pinangalanan si Villar na nagtangkang manuhol sa kanya. Katulad din ang offer kay Erap: Ibabalik ang lahat ng nagastos sa kampanya at bibigyan ng mataas na puwesto sa gabinete kung aatras sa laban. Kung susumahin ang alok kina Erap at Gordon, limpak-limpak na bilyones iyan!
Wika nga ng ilang political observers, “there seems to be a trend in all the charges.” Kung may usok, tiyak na may apoy, sabi nila.
Super-bilyonaryo si Villar. Ayon sa prestihiyosong Fortune Magazine, aabot sa kalahating bilyong DOLYAR ang yaman niya. Wow! Katumbas iyan ng P24.5 bilyon.
Pero, sino ba namang matino ang isip na aamin sa ganyang paratang? Natural sasabihin ni Villar na winawasak siya ng kanyang mga katunggali. Gayunman, mahirap bale-walain ang akusasyon lalu pa’t may reputasyon si Villar na gumagamit ng “power of money” makamit lamang ang gusto. Katunayan may mga sector na humihimok sa COMELEC na siyasatin si Villar sa isyu ng sobrang paggastos sa kanyang pangangampanya. Mantakin ninyong more than “one billion pesos” na ang nagagastos niya sa mga TV ads, ayon sa mga taga-advertising?
Marami nang matatayog na ambisyon ang natamo ni Villar at isa na lang ang pinupuntirya niya. Iyan at ang
Palasyo ng Malacañang. Maganda ang ganyang ambisyon basta’t may mabuti at marangal na layunin. Di ko sinasabing paniwalaan ang lahat ng paratang kay Villar. Ngunit importanteng metikuloso tayo at mapanuri para wala tayong mailuklok na Pangulong magpapahirap na naman sa ating lahat.