'One peso man...'
NAKATANGGAP KAMI NG napakaraming reaksyon mula sa mga sumusubaybay sa isinulat namin tungkol sa “Hari ng Customs (?)” na si Ruben L. Taguba.
Karamihan ay nagpapasalamat at baka dahil dito ay huminahon ng konti, kundi tumigil na nang tuluyan ang taong ito sa kanilang sinasabi umanong “unfair and unethical practices.”
Matatandaan na ilang mga lehitimong brokerages sa customs ang nagdenunsyo sa ginagawa umano nitong si Taguba na nakakaapekto na sa kanilang mga negosyo.
Gumawa kami ng ilang hakbang maliban sa panawagan namin dito sa ating kolum upang maibigay nitong si Taguba ang kanyang panig nang madinig naman nating lahat.
Mga kababayan niyang katulad ni Sec. Sylvestre Bello III, NBI Dep. Director Edmund Arugay pati si Jeff Patawaran ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) at ilang mga kasama sa media subalit ayaw niyang linawin ang mga isyu na ikinakabit sa kanya.
Nagkaroon ako ng pagkakataong maka-usap ang mismong hepe ng PASG na si Undersecretary Antonio “Bebot” Villar at inamin niya na “ONE PESO CONSULTANT” itong si Taguba ng PASG.
“Consultant namin siya pero walang sweldo. Nagbabato siya ng mga impormasyon tungkol sa mga illegal na kalakal na ipinupuslit na hindi nagbabayad ng tamang taripa,” paliwanag ni Villar.
Isa sa mga malaking “trabaho” na ibinigay nitong si Taguba ayon kay Villar ay yung sa “Diamond Queen.”
Ininguso nitong si “one peso consultant” ang isang British national na si Siu Ting Alpha Kwok dahil sa umano’y pag-iingat ng mga “precious stones and gems” na nagkakahalaga ng mahigit sa 500 milyong piso sa kanyang condominium sa 17th floor Pacific Place sa Ortigas, Pasig City.
Wala bang reward natanggap itong si Taguba sa laki ng ipinahuli niyang mga batong hindi binayaran umano ang buwis at lumabag sa Customs code?
Aba, dapat meron Usec Bebot kasi piso lang ang tinatanggap niya gayung buhay naman niya ang itinataya niya sa kanyang mga impormasyon na ibinibigay.
Bumuwelta naman itong si Kwok at kinasuhan sina Usec Villar, PASG Intelligence Chief Guillermo Francia, Legal Division Officer Luciano Millan, Capt. Carl Joseph Jaucian, PO3 Florante V. Azur, Julie Gamboa, at si Ruben Taguba.
Nung una dinismiss ng Department of Justice ni Secretary Agnes Devanadera ang kaso laban kay Kwok subalit pinulong ni Pres. Gloria Macapagal Arroyo ang DOJ at PASG at binaligtad ang dismissal ng kaso at ngayon ay dinidinig sa korte.
Humaba nga ang usaping ito ng magkainitan naman ang Chief of Staff ni Usec Villar na si Patawaran at nagpang-abot sila nitong abogado ni Kwok na si Atty. Bonifacio Alentajan.
Kinasuhan naman ni Alentajan si Patawaran ng “physical injuries.” Kasong Graft at Illegal Arrest, Arbitrary Detention, Violation of Domicile, Maliciously obtaining search warrants at Perjury. Ito ay naka file sa Ombudsman.
ITO MGA mambabasa ng pitak na ito ang sinasabi ng ilang mga reaksyon sa ipinadala sa amin. Itong si Taguba ay “one peso consultant” sa PASG, ang kanyang mga koneksyon sa PASG at sa Customs kung saan siya dating nagtatrabaho ay “ginagamit daw niya umano” para mang harass ng mga nagpapasok ng kalakal upang siya ang kunin na broker sa kanilang mga shipment.
Kapag tumanggi daw ang mga ito, meron nga naman siyang PASG at Customs na mambrabraso sa kanila.
Para wala ng problema napipilitan daw silang makipag-usap dito kay Taguba. Minsan pa tinatawagan ko ng pansin itong si Ruben Taguba upang ibigay ang kanyang panig sa mga reports na nakararating sa aming tanggapan.
Maliwanag naman sinabi ni Usec Villar na kung meron mga reklamo laban sa taong ito hindi siya magdadalawang isip na tanggalin si Taguba sa PASG. Meron naman kayang maglalakas ng loob mag-reklamo Usec Villar? Malalim na raw ang mga koneksyon nitong si Taguba at namimili na nga ito kung kanino ibabato ang trabaho na gusto niya ayon na rin sa isang source mismo galing sa inyong tanggapan.
Sinabi naman ni Sec. Bello na wala na siyang kontak kay Taguba dahil nagretiro na raw ito sa Customs.
Ipinaabot naman sa aming tanggapan ng mga pangalang nabanggit namin na ginagamit na broker nitong si Taguba na wala silang koneksyon sa kanya. Ang brokerage daw na ginagamit ni Taguba na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ay ang OCTA TRADING na ang tanggapan ng broker ay nasa Mandaluyong City.
Hindi magandang tignan itong si Taguba na nasa PASG na makipagtransaksyon sa mga “importers o brokers” para hindi ka pinaghihinalaan. Delicadeza ang tawag dun na marami naman sa administrayon ng Arroyo government ay kulang dito.
Nagtanong kami sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at napag-alaman namin na wala silang nakitang record nitong si Taguba na nagbayad ng buwis nung nakaraang taon. Wala siyang Income Tax Returns na ipinile sa record nila ng hanapin ng isang Regional District Office Chief.
Lumalabas na wala umanong taxable income itong si Taguba kung tama ang impormasyon na ibinigay sa amin. Saan naman kaya niya kinuha ang pinambayad niya ng makitang “one time taxpayer” (one time na naman) siya para sa isang property sa Camella Homes II, Alabang. Ang kanyang Tax Identification Number ay 243-009-802-000.
KASALUKUYAN kaming nakikipag-ugnayan sa tanggapan ni BIR COMMISSIONER JOEL TAN-TORRES upang utusan ang National Investigation Division (NID) upang magsagawa ng malawakang imbestigasyon sa iba pang ari-arian nitong si Taguba at kung nagbabayad ba ito ng tamang buwis.
“Mr. Calvento, ang daming assets niyang si Taguba. May Television Cable Company pa nga yan, mga magagarang kotse, malawak na lupain. Meron pa ngang resort yan, Hekta-hektaryang lupain sa Cagayan, Batangas at Laguna,” ayon sa isang source.
SA PUNTONG ito nais ko rin sabihin na hangga’t hindi natin nakaka-usap itong si Taguba hindi naman natin basta paratangan ang taong ito na mga “unexplained wealth” ito sa kadahilanang baka naman may maganda siyang eksplanasyon sa lahat ng ito.
Para sa gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang land line ay 6387285 at 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending