Noon ay bumagyo – pagkalakas-lakas
Sinundan ng bahang kagilagilalas;
Marami ang taong nawala nautas
Halaman at hayop hindi rin naligtas!
Dahil sa nangyari itong ating bansa –
Naghirap, nagdusa raming nasalanta;
Halos di huminto ang ulang sagana
Kailangang tubig sumobra na yata!
At ngayong tag-araw ay sobra ang init
Ang nasasalanta’y kaparanga’t bukid;
Halaman at isda kinulang sa tubig –
Kaya ang tagtuyot ay humahagupit!
Sa lahat ng dusang ating titiisin
Ay ang sobrang init – mahirap batahin;
Kapagka natuyo ang mga bukirin
Tao’y magugutom, gulo’y iiral din!
Ang mga bukiri’t inaaning palay
Natuyo’t nalanta sa tindi ng araw;
Kaya nanganganib itong ating bayan –
Walang kakainin mga mamamayan!
Mga dam at ilog ay natutuyo rin
Hayop at halaman wala ring makain;
At ang enerhiyang kailangan natin
Posibleng humintong magbigay ng hangin!
Maraming probins’ya ngayo’y apektado
Ng init ng araw na nakapapaso;
Mistulang ang araw galit na sa tao
Kaya tayong lahat ay namimilegro
Talagang iba na takbo ng panahon
Kaya ang daigdig naghihirap ngayon;
Ang dulot ng bagyo’y tubig na may lason
Ang dala ng araw mapamuksang apoy!
Kaya ang marapat dasalin ng tao
Sa dakilang Diyos na hawak ang mundo:
Ang lindol — isa pang mapamuksang tao
Huwag sanang maganap sa panig na ito!