MARAMING epekto ng paninigarilyo sa katawan ng isang tao. At kung akala n’yo na cancer sa baga lamang ang idinudulot ng paninigarilyo, maaari ring magkaroon ng cancer sa kidney ang labis manigarilyo.
Ang cancer sa kidney ay kumikitil ng 10,000 katao bawat taon. At sa kasalukuyan, tinatayang 20,000 bagong kaso ng cancer sa kidney ang napaulat. Mas tinatamaan ng cancer sa kidney ang mga kalalakihan kaysa mga kababaihan. Tinatawag din ang cancer na ito na renal cell carcinoma.
Kagaya ng ibang cancer, hindi rin malaman kung saan nanggaling o ano ang pinagmulan pero pinaniniwalaan na ang labis na paninigarilyo ang dahilan nito. Sa pag-aaral, napag-alaman na mas marami ang nagkaroon ng cancer sa kidney sa mga smokers kaysa sa non-smokers. Umano’y nakita sa ihi ng mga smokers ang toxic products ng sigarilyo. Ang pag-aaral na ito ang naging basehan kaya nasabing ang mga labis manigarilyo ang nagkakaroon ng cancer sa kidney.
Hindi agad mapapansin ang cancer sa kidney sa early stages nito. Mahirap kasing makita dahil sa lokasyon ng kidney at hindi rin nagbibigay nang agarang kirot o kaya’y nagkakaroon ng pagdurugo. Ang tanging sintomas ay ang pagkakaroon ng dugo sa ihi. At hindi rin kaagad nakikita ang presensiya ng dugo sa ihi kaya nararapat na pa ulit-ulitin ang test.
Kapag nagkaroon ng suspetsa na may cancer sa kidney, dapat isagawa ang CT scan sa bahaging abdomen. Agad ding magkakaroon ng paghahanap sa metastases sa baga, atay, at utak.
Ang National Cancer Institute ay gumagamit ng high-dose chemotherapy plus interleukin. Ito ay biologic agent na nagmo-modulates sa immune system ng pasyenteng may metastatic renal cell cancer.