Walang silbi ang ebidensiya (Huling Bahagi)
MALI ang MSC sa pagkuwestiyon naging desisyon ng CA. Sa pagtanggap ng ebidensiya, ang pinahahalagahan ay ang una at orihinal na salaysay. Dapat munang pag-aralan kung ang salaysay ay ginawa bago isinumite ng unyon ang petisyon nito upang magparehistro bilang isang lehitimong unyon. Kinikilala ang kusang-loob na paggawa ng salaysay kung ipinasa ito bago pa man marehistro ang unyon. Kung ginawa ang salaysay matapos marehistro ang unyon, ipinagpapalagay na napilitan lamang at hindi kusang-loob ang paggawa nito. Ang dahilan kung bakit hindi kinikilala ang pangalawang salaysay ay dahil sikreto pa sa kompanya ang pangalan ng mga kasapi ng unyon noong unang magparehistro ito. Natural na kusang-loob ang paggawa ng unang salaysay ngunit hindi ang pangalawa.
Matapos maisumite ang petisyon upang maparehistro ang unyon, hindi na sikreto sa kompanya ang pangalan ng mga empleyadong kasapi ng unyon dahil nakasulat ang pangalan nila sa petisyon. Hindi na nakakapagtaka kung gumawa ng paraan ang kompanya upang bawiin ng empleyado ang suporta nito sa unyon.
Sa kasong ito, ginawa ng mga empleyado ang salaysay tungkol sa pagtiwalag nila sa unyon matapos na mahayag na sa lahat ang pagiging kasapi nila o matapos na magpetisyon sila upang magkaroon ng eleksyon sa kompanya. Natural lamang na ipagpalagay na naimpluwensiyahan sila ng kompanya at dapat lang pagdudahan ang salaysay na kanilang ginawa.
Nakahanda na agad ang mga salaysay at halos iisa ang nilalaman, ang tungkol sa pagbawi ng mga empleyado sa suportang binigay nila sa unyon, maituturing na walang silbi ang ebidensiyang ito at ginawa lamang para sa pansariling interes ng kompanya.
Kahit sabihin pa na totoo ang mga salaysay na ito at talagang binabawi na ng mga empleyado ang suporta nila sa unyon, hindi pa rin maitatanggi ang katotohanan na nang unang magsumite ng petisyon upang magparehistro ang unyon ay lampas pa sa 20(%) ang miyembro nito. Dapat lamang panindigan ang legalidad ng nasabing unyon. Hindi hinihingi ng batas (Article 234) na dapat manatili ang 20 (%) porsiyentong kondisyon sa lahat ng panahon (Mariwasa Siam Ceramics vs. Secretary DOLE et. al., G.R. 183317, Dec. 21, 2009).
- Latest
- Trending