Kinupkop ng Class '80 ang Aquino sisters para makinabang

MARAMI ang nagtaas ng kilay sa pag-adopt ng Philippine Military Academy (PMA) Class ’80 sa mga kapatid ni Liberal Party standard bearer Noynoy Aquino. Kahit anong rason pa ang binitawan ng Mapitagan Class president Chief Supt. Victor Caragan, malinaw na namumulitika na ang klase nila. Ayon kay Caragan, nagkaisa ang kanilang klase na kupkupin na ang mga kapatid ni Aquino na sina Ballsy, Pinky, Viel at Kris. Unang na-adopt sina Ballsy at Pinky at kasunod naman sina Viel at Kris. Ano ang advantage nito sa Class ’80? Siyempre, kapag nanalo si Noynoy, tiyak tiba-tiba ang Class ’80 dahil makapagbulong sila sa apat nilang “mistah’ para makapuwesto hindi lang sa PNP kundi maging sa AFP. Maliwanag na kaya kinupkop ng Class ’80 ang Aquino sisters ay para makinabang sa grasya. Ang dahilan naman ni Caragan, karamihan sa klase nila ay nanilbihan noong panahon ni dating Pres. Corazon Aquino kaya naisipan nilang kupkupin ang mga anak nito. Lumang estilo na ‘yan Gen. Caragan Sir.

Sinabi ni Caragan na hindi na inanunsiyo ang kandidatura ni Noynoy sa pagka-presidente ay nakaumang na ang pag­kupkop nila sa Aquino sisters. Nagkataon lang na malapit na ang May elections ng maisatupad ito. Hindi mga grade one ang nagmamasid sa inyo Gen. Caragan Sir. Kung sabagay, hindi lang Class ’80 ang nag-adopt ng mga klase sa PMA. Tulad ng Class ’78 ang mistah nila ay si President Arroyo. Sina administration standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro ay Class ’76 habang si Manny Villar naman ng Nacio­ nalista Party ay Class ’77. May iba pang pulitiko na tumatakbo sa iba’t ibang posisyon sa Mayo ay adopted member din ng mga klase sa PMA. Subalit ang kaibahan lang, sina Pres. Arroyo, Teodoro, Villar at iba pang pulitiko ay na-adopt noon pa at hindi pa sila kandidato sa pagka-pangulo. Maaring sabihin ng Class ’80 na hindi naman kandidato sina Ballsy, Pinky, Viel at Kris kundi si Noynoy, di ba mga suki? Subalit tama naman ang puna ni ret. Army Gen. Leopoldo Maligalig, presidente ng Class ’76 na ang pag-adopt ng influential na pulitiko ay nag-uugat sa power. Ani Maligalig, ang praktis ay nangyayari na noon pang pinaiiral ang martial law sa bansa. At hindi mag­kasundo sa kani-kanilang ideya ang mga lider ng PMA alumni association ukol sa praktis na ito.

Kung sabagay, dapat ang pulisya at militar ay non-partisan sa darating na May elections.Subalit ano ang gagawin ng mga miyembro ng Class ’80 kapag lapitan sila ng mistah nila at makiusap na tulungan o dili kaya’y palihim na ikam­panya si Noynoy para manalo? Kung marami pa ang Class ’80 sa PNP at AFP, tiyak sila ay nasa puwesto na rin sa ngayon. Kaya may kapabilidad sila na tumulong kahit pata-go, di ba mga suki?

Hindi makakapagdulot ng kabutihan sa klase ng Class ’80 ang ginawa nilang pag-adopt sa Aquino sisters. Maaring maganda o malinis ang hangarin nila subalit hindi nila mapi­gilan na mag-taas ng kilay ang mga PMA Class na maaring maapakan nila kapag nanalo si Noynoy, di ba mga suki?

Abangan!

Show comments