PUMASOK na muli tayong mga Kristiyano sa panahon ng Kuwaresma, 40 araw ng paghahanda sa kapistahan ng muling pagkabuhay ni Hesus. Kaya’t ito ang panahon ng ating pagsisisi sa mga nagawang kasalanan. Muli tayong magbagong-buhay at sumampalataya sa Mabuting Balita. “Remember man you are dust and to dust you will return”.
Ito din ang tinatawag nating Migrant’s Sunday, plights of millions of overseas contract workers, migrants and their families. Atin silang ipanalangin sa Panginoon upang sila’y maging ligtas sa anumang panganib sa kanilang mga gawain sa ibang bansa at sa mga barkong naglalayag sa buong daigdig. Sila ang tinatawag nating diaspora, ang mga instrumento ng Mabuting Balita.
Sa mga pagbasa ay ipinahahayon sa atin ang pagpapahayag ng pananampalataya ang bayang hinirang at nananalig kay Hesus. “Poon ko, ako’y samahan sa dusa at kahirapan.” Sinasabi ng Banal na Kasulatan: “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso”, sapagka’t hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa Kanya.
Tularan natin si Hesus na pinaglabanan ang mga tukso sa panahon ng kanyang pag-aayuno, pagsasakripisyo at lubusang paghahanda ng Kanyang misyon dito sa lupa. Tukso ng diyablo:1. kung Ikaw ay anak ng Diyos iutos mong maging tinapay ang mga batong ito; 2. Ibibigay ko sa Iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga kaharian kung ako’y sasambahin mo; 3. Kung ikaw ay anak ng Diyos ay magpatihulog ka ipagbibilin Ka sa mga anghel, aalalayan ka at hindi ka matitisod sa bato.
Pinaglabanan ni Hesus ang mga tukso: 1. Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao; 2. Nasusulat ang iyong Di yos at Panginoon ang sasambahin mo at Siya’y iyong paglilingkuran; 3. Nasusulat huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.
Malapit na naman ang eleksyon sa ating bansa at kakalat na naman ang mga diyablo upang tuksuhin tayong mga botante. Magpapakalat na naman ang milyun-milyong mga diyablo ng mga maka-diyablong nagnanasa ng kapangyarihan sa ating bansa. Ang tangi nating magaga- wa ay paglabanan ang mga tukso na pagagandahin ang ating bayan subali’t hindi ito isasakatuparan. Magdasal tayo tuwina at humingi ng liwanag sa Espiritung Banal upang ihalal natin ang tunay na magpapaunlad sa ating naghihirap na bayan.
Dt26:4-10; Salmo90; Rom 10:8-13 at Lk4:1-13