Stroke at iba pang paliwanag

Kelan lang ay nalaman kong na-“stroke” ang isang kakilala ko. Ganun rin ang kwento, matanda na, hindi nag-ingat sa pagkain, hindi nagpapatingin sa doktor, hindi sumusunod sa tamang pag-inom ng gamot. Ngayon, dahil medyo matindi ang tama nung stroke, baldado na, hindi magalaw ang isang braso’t-kamay, hindi makalakad, hindi makalulon kaya sa tubo dinadaan ang kanyang pagkain. Todo bantay ng nurse sa umaga at sa gabi, dahil kada dalawang oras, kailangang ikutin ang kanyang katawan para hindi magkaroon ng bedsores. Mas mahirap kapag nagkaroon na ng bedsores o malalim na sugat sa may likod.

Maraming nagkakamali sa paggamit ng salitang “stroke”. Pinagpapalit-palit ito sa atake sa puso. Ang “stroke” o sa mas teknikal na pangalan na Cerebro-Vascular Disease(CVD), ay ang kundisyon kung saan biglang nawawala ang suplay o daloy ng dugo sa utak. Ginagamit na rin ang salitang “Brain Attack” para ilarawan ng mas mabuti ang stroke. Ang atake sa puso o Heart Attack ay ang kundisyon kung saan biglang nawawala ang suplay o daloy ng dugo sa puso mismo. Im­portanteng mala­man ito dahil kapag tinatanong ng doktor ang kasaysayan ng kalusugan ng isang tao, kailangan niyang ma­laman kung may mga kamag-anak na inatake sa puso o na-stroke. Hindi pareho ang dalawang nasabing kundisyon.

Mataas ang bilang ng stroke sa Pilipinas. Sa isangdaang libong tao, halos limangdaan dito ay maaapektuhan ng stroke. Kapag pinalawak ang bilang na iyan, kalahating milyong tao ang tatamaan ng stroke! At ang pangunahing sanhi ng stroke ay ang altapresyon o high-blood. Dito, may kailangan ding malaman ang taong-bayan. Ang high-blood pressure ay walang sintomas. Hindi mo mararamdaman kung may high blood pressure ka na. Yung karaniwan na sinasabi na mataas ang dugo ng isang tao kapag sumasakit ang batok niya ay maling interpre­tasyon. Kaya kapag walang nararamdaman sa batok, mababa lang ang dugo? Maling-mali. Traydor ang high-blood. Maaaring matagal ka nang meron nito pero dahil wala ka namang nara­ramdaman, hindi ka na nagpapatingin. Dito madalas nangyayari ang stroke, sa ganitong maling akala. Mahalaga, nagpapatingin sa doktor. Kapag nalaman na mataas na ang presyon ng dugo, dapat lagi nang nagpapakuha ng blood pressure, kahit sa mga health center lang, at masigasig sa pag-inom ng ga­ mot. Dapat baguhin na rin ang pamumuhay sa pamamagitan ng pagkain ng tama at regular na ehersisyo. Alam ko mahirap gawin ang huling nabanggit ko, pero kailangan. Maniwala kayo sa akin, lahat ng tinatamaan ng stroke at naka-rekober kahit bahagya at nakakapag-salita muli, ay nagsisising hindi sila nakinig sa mga payo ukol sa high-blood at sa pagkain. Lahat. At di hamak na mas mura ang mag-ingat, kaysa mag­ bayad sa ospital kapag na-stroke na!

Show comments