NAKATAKAS ang isa sa mga suspect sa pagpatay sa 57 katao noong nakaraang taon. Nakakulong sa Sultan Kudarat provincial jail si dating Maguindanao police director Supt. Piang Adam nang maganap ang pagtakas. Naganap umano ang pagtakas ni Adam noong Martes subalit nadiskubre lamang ang kanyang pagtakas noong Huwebes.
Ayon sa report, alas-kuwatro ng hapon noong Martes ay nakita pa si Adam na pumasok sa kan-yang selda pero inireport lamang ng jailguard na si Tahak Kadalum ang pagkawala ng suspek noong Huwebes ng umaga. Kasama si Adam sa mga kinasuhan sa pagpatay sa 57 katao noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao. Tatlumpo sa mga pinatay ay miyembro ng media. Pangunahing sus-pek sa pagpatay si dating Datu Unsay mayor Andal Ampatuan na ngayon ay nakakulong sa National Bureau of Investigation.
Sa pagkakatakas ng suspek, malinaw na may kutsabahang nangyari. Siyempre pa ang mga jailguard ay sangkot dito. Sino pa ba naman ang kukutsabahin ng isang gustong tumakas kundi ang guwardiya mismo. Maaring natapalan ng pera ang guwardiya. Kaya pinakamabuting palitan ang mga jailguard sa Sultan Kudarat. Kaysa naman makatakas pa ang iba pang suspek ay gawin na ang nararapat. Kasabay sa pagpapalit ng mga jailguard, ay tugisin si Adam. Huwag hayaang makalayo. Kailangang maibalik siya sa bilangguan para malitis.
Ang kanyang pagtakas ay malinaw na palatandaan na mayroon siyang kasalanan. Hindi siya tatakas kung walang nalalaman sa pinakamadugong pagpatay sa kasaysayan. Walang awang pinagbabaril ang mga biktima, ginahasa ang mga babae at saka inilibing sa hukay.
Hanapin si Adam at ibalik sa piitan. Mas ma-ganda kung hindi na siya sa Sultan Kudarat iku-long kundi dito sa Manila na katulad ni Andal Ampatuan. Kung dito siya ikukulong, mahihirapan na siyang makapuga. Nararapat din namang papanagutin ang jailguard na responsible sa pagkakatakas ni Adam. Bulukin sa kulungan ang guwardiya para hindi pamarisan.