ITINIGIL na ang Food for School Program ng Department of Education (DepEd) para sa mga pre-schooler at Grade 1 pupils. Nasa 400,000 estudyante ang nasa ilalim ng programa. Dati fortified noodles ang isinisilbi sa mga estudyante pero nagkaroon ng imbestigasyon dahil overpriced umano ang noodles kaya ang resulta, tigil ang programa. Ang mga batang kulang sa nutrisyon ang apektado ng isyung noodles at sana, maipagpatuloy ito pero huwag naman sana noodles.
Tuluyan nang itinigil ang programa dahil sa akusasyon na overpriced ang noodles na ipinakakain sa mga bata. Umano’y nagkakahalaga ng P427-million ang pondo. Masyado raw mahal ang noodles at hindi naman daw nagtataglay ng bitamina at minerals. Sabi naman ng kompanyang nanalo sa bidding na magsusuplay ng noodles, malunggay fortified ang kanilang isi-served sa mga bata. May bitamina at mineral ang mga noodles. Ang kompanyang nanalo sa bidding para sa feeding program ay ang Jeverps Manufacturing Corp.
Agad na ipinatigil ni DepEd sec. Jesli Lapus ang pamamahagi ng noodles sa mga estudyante. Nagkaroon ng imbestigasyon sa Senado at napagdesisyunang isailalim sa pagrerebyu ng isang independent committee ang tungkol sa feeding program. Mula noon nahinto na ang pagpapakain sa mga bata. Hanggang sa tuluyan nang i-withdraw ng Jeverps ang kanilang serbisyo. Hindi na raw sila makikipag-contest sa DepEd sa pag-scrap sa project.
Okey lang na mabasura ang proyekto lalo’t nakapagdududa ang presyo. Ang maganda naman sanang gawin kapag naituloy na ang programa ay iwasang noodles na naman ang ipakain. Walang makukuha sa noodles. Sa halip na noodles, gatas at masustansiyang loaf bread na may palaman ang ipakain. Ang mga bata ay sukang-suka na sa noodles sapagkat karamihan sa kanila ay ito ang kinakain. Nauumay na sila sa noodles na wala namang gaanong sustansiya na naibibigay sa katawan at utak. Hindi garantiya ang fortified noodles na lulusog at tatalino ang mga bata.