Sino'ng political prostitute?

SANA’Y mabura na ang mga pang-aalipusta at panlalait ng mga politiko sa isa’t isa tuwing election period. Halim­bawa, di ba napakalaswang pakinggan ng katawagang political prostitute” ? Ang tinutukoy ko ay ang pasaring ni Sen. Jamby Madrigal kay NP, vice presidential bet na si Loren Legarda. Ito ay dahil “sanggang-dikit” pa rin si Loren kay Villar sa nag-aapoy na kaso ng C-5 anomaly.

Okay lang ang tuligsaan pero sana naman ay itigil na ang pagbibitiw ng mga mababahong salita. Puwede namang bumatikos nang maayos na hindi gumagamit ng “gutter language”. May mga “eleganteng katagang magagamit na may haplit pero hindi malaswa sa tenga. Napakasamang pakinggan ng kalaswaan lalu’t mula sa mga pinagpipitaganang mambabatas. Wika nga, mag-stick na lang sa isyu.

Sa pagkakilala ko kay Loren komo dati siyang kasa­mahan sa broadcast industry, hindi siya nang-iiwan ng katoto lalu na kung naiipit sa problema. Good quality nating mga Pinoy iyan! Nasabi na niya noon na bagamat kasama siya sa mga nagpasimula ng kaso laban kay Villar, napatunayan niya sa sarili na inosente ito. Kaya ano man ang sabihin ng iba, hindi natitinag ang paninin­digan ni Loren. Pero in fairness, consistent na oposisyu­nista si Loren. Isa siyang “dinayang” VP bet ni yumaong FPJ, topnotcher sa senado nung 2007 sa bandila ng oposisyon at ngayo’y vp bet ni Villar. Consistent din siya sa advocacy sa pangangalaga ng kalikasan at sa kapakanan ng OFW, pagtulong sa mga mag-aaral at guro, pag-aangat ng kalidad ng buhay ng mararalita.

Si LP vice presidentiable Mar Roxas ay isa rin na- mang outstanding legislator na kinikilala sa kan­yang batas para maibaba ang presyo ng mga gamot. Pero sey ng bar­bero kong si Mang Gustin, may re­pu­tasyong nang-iiwan ng ka­sama sa ere. Inisa-isa   ni Gustin ang mga puna niya kay Mar na aniya’y “on re­cord.” Nung 2001 ay ini­wan niya si Erap sa kainitan ng impeachment case at lumipat kay Pre­sidente Gloria. Gi­ na­wa siyang DTI secretary at naging ma­ganda ang per-formance kaya binansagang “Mr. Pa­lengke”. 

Pero nang naba­tikan ang ima­he ng admi­nistrasyong ito, bigla rin siyang kumalas. Anyway, alam nating mata­lino ang mga botante at ma­runong ku­milatis kung sino ang karapat­dapat.

Show comments