RFID-phobia
NALULUNGKOT ang ilang motorista at PUV operators dahil tila raw nagamit ang justice system para mapigil ang isang proyekto ng pamahalaan na kung tutuusin ay may mabuting layunin. Ang tinutukoy natin ay ang kontrobersyal na radio frequency ID (RFID) tagging project ng Land Transportation Office (LTO) na nakabitin pa rin sa ere dahil pinapipigil muna ito ng korte kahit matagal nang ginagamit sa mga progresibong bansa. Komo nandiyan na ang utos, igalang natin.
Sa bayan natin, napakadaling kumuha ng mga temporary restraining order (TRO) kaya imbes na maipatupad ay nakabinbin pa rin. Sino ang dapat magsaya sa pagkakapigil nito? Ang naiisip ko lang ay yung mga namemeke ng rehistro ng kanilang sasakyan, namemeke ng mga prangkisa ng pampublikong sasakyan, mga smoke belchers at mga carnappers.
Ang grupong PISTON ang numero unong kontra sa RFID. Bakit? Tanong ng barbero kong si Mang Gustin. Eh hindi naman daw rehistrado sa SEC (Securities and Exchange Commission). Kung kolorum ang PISTON dahil hindi rehistrado, iyan daw marahil ang dahilan kung bakit ganun na lang ang pagtutol ng grupo sa RFID. Kontra kolorum kasi ang RFID. Posible rin marahil na ang ilang nasa likod ng paghadlang sa RFID project ay involved sa mga sindikato na nagnanakaw ng mga sasakyan. Madali kasing malalaman ng isang traffic enforcer na may hawak na RFID scanner kung ang isang sasakyan ay nakarehistro ng tama, may prangkisa (kung PUV), dumaan sa smoke emission test, o kung merong alert dahil sa paglabag sa batas-trapiko o involved sa krimen.
Sa one-time payment na P350 para sa RFID tag, ito’y okey na para sa loob ng sampung taon. So, lumalabas na P35 lang kada taon ang bayarin para sa RFID. Tingin ko’y sulit ito sa mga motorista. Sa mga pribadong motorista, magkakaroon sila ng peace of mind dahil mahirap ma-carnap ang sasakyan nila. Ang RFID tag kasi ay non-transferable kung kaya hindi ito pwedeng tanggalin o palitan sa isang ninakaw na sasakyan. Ibig sabihin, kung ang sasakyang minamaneho mo ay hindi nakarehistro, walang prangkisa, smoke belcher o may traffic alert, buking ka!
- Latest
- Trending