NAGKAINITAN, nagkapikunan at nagkainsultuhan. Iyan ang nangyari sa ating mga “mararangal” na Senador sa pagtalakay ng Senado sa C-5 isyu na kinasasangkutan ni Nacionalista Presidentiable Manny Villar.
Ang hinahangaan kong Senador na si Nene Pimentel kasi eh. May sexual undertone ang patama kay Sen. Mar Roxas. Di na yata bagay sa edad n’yo ang mag-green joke Tatang Nene.
Noong bata-bata pa ako, hilig ko rin ang magpatawa ng “medyo bastos.” Pero magmula nang tumuntong ako sa edad na sinkuwenta, kahit sa sarili ko, nahihiya na akong mag-joke nang berde.
Well, paminsan-minsa’y nangyayari iyan sa ating honorable congress. Sa ibang bansa tulad ng Taiwan ay masahol: Nagsusuntukan at nagbabatuhan pa ang mga mambabatas kapag nagkainitan ang debate.
Ngunit sabi ng barbero kong si Mang Gustin na nakapanood sa nangyaring “circus” sa telebisyon, bagama’t “foul” ang biro ni Pimentel, hindi raw sana nagpakita ng pagkapikon si Sen. Roxas. Ibig lang daw sigurong gusto payapain ni Tatang Nene ang umiinit na situwasyon. Sabi ng marami, hindi dapat umaktong ganoon si Sen. Mar. Indikasyon kasi ito ng mahinang karakter. Hindi siya “cool under fire” na dapat maging katangian ng isang leader.
Heto ang istorya. Sinabi ni Sen. Peter Cayetano — “marami ding senador ang gumagawa ng insertions sa national budget”. Nagalit si Roxas at sinabing kailan man ay di niya ginagawa ito.
Sumabat ang pilyong Sen. Pimentel kay Roxas: “After your marriage, you have your insertions.” Sigawan, tawanan at kantyawan ang mga tao sa gallery. Namutla, nanlisik at nagalit si Roxas. I demand that the remark be stricken off the record. This is an insult to my wife,” sigaw ni Roxas.
“I will withdraw my inserted remarks, your honor” ang tugon naman ni Sen. Nene.
Paalala kay Sen. Mar, may kasabihang “ang pikon ay talo” di ba?