Maiitim na balak manatili sa poder

SUSPETSOSO ang mga Pilipino sa maiitim na balak ni Gloria Arroyo. Duda sila sa sabi nito na kumakandidato siyang kongresista sa Pampanga para makapagsilbi pa. Sa tingin nila, hangad niya ang partial immunity na makukuha sa pag-upo sa Kongreso. Makakaiwas siya sa tiyak na sapin-saping habla sa katiwalian at pang-aabuso ng kanyang administrasyon. Lumalabas sa surveys na 61% ng Pilipino ay diskontento sa palakad niya.

Ani Sen. Mar Roxas, sinisikap ngayon ni Arroyo na maipanalo hindi lang ang sarili kundi mga 80-100 katoto. Bubuo sila sa House of Reps ng bloc na mag-i-impeach sa bagong Presidente sakaling tugisin siya nito dahil sa mga krimen habang Presidente. Sinisikap din nila makapanalo ng 16 na senador, ang dami ng boto sa 24-upuang chamber para magpatalsik ng Presidente.

Duda sina Reps. Teddyboy Locsin at Satur Ocampo sa scenario ni Roxas. Hindi raw kakayanin ng yaman ni Arroyo tapatan ang poder ng Presidente na magpabuya ng pork barrel: P200 milyon kada senador at P70 milyon kada kongresista kada taon. Mas madali pa raw suhulan na lang ang bagong Presidente para huwag galawin si Arroyo.

May ibang nababasang scenario si kandidatong sena­dor Joey de Venecia. At batay ito sa pagkakakilala niya kay Arroyo, na binisto niyang kumi-kickback mula nang $200 milyon mula sa $330-milyong ZTE scam.

 Ani Joey, mas malamang na gamitin ni Arroyo ang militar, pulis, Comelec, korte, Kongreso at local officials para magka-failure of elections. Magpo-proklama lang ng mga halal na kongresista at local officials sa Mayo. Pero sa pamamagitan ng pananakot, blackouts at iba pang sigalot, walang madedeklarang panalong Presidente, Bise at mga senador. Samantala magpapahalal na Spea­ker si Arroyo. Sa gayong sitwasyon, iiral ang pro­bisyon ng Konstitusyon na mag-a-Acting President ang Speaker. At habang Acting President siya, aapurahin ang parliamentary switch para maging Prime Minister naman. Patay ang bansa!

Show comments