(Karugtong ng lumabas kahapon)
NOONG Pebrero 4, 1997, nagsampa ng reklamo (specific performance with damages) ang REIC laban kina Dario at Narda upang utusan ng korte si Narda na pumirma sa kasulatan ng bentahan o kaya naman ay payagan ng korte ang bentahan kahit wala ang pirma ni Narda. Ayon sa REIC, ibinenta ng mag-asawa ang lupa upang mabayaran ang utang nilang P2 milyon at ito ay bentahan na tinatawag sa batas na “dacion en pago” dahil imbes na pera ay ari-arian ang ibinabayad sa pagkakautang.
Ang sagot naman ng mag-asawa, hindi totoo ang nakasulat sa kasulatan ng bentahan. Ang tunay lamang nitong intensiyon ay upang garantiyahan ang utang kay Dina at hindi sa REIC. Ayon din sa kanila, ang totoong napagkasunduan ay babayaran muna sila ng P1.5 milyon bago pumirma si Narda. Nang ayaw magbayad nina Dina at ng REIC, sila pa nga ang nagkusa na bayaran na lang ang utang at bawiin na ang bentahan.
Noong Oktubre 26, 1999, nagdesisyon ang korte pabor sa mag-asawa. Binasura ang reklamo ng REIC at dineklarang hindi naman talaga bentahan kundi sangla (equitable mortgage) ang naganap. Binigyan ng korte ang mag-asawa ng sapat na panahon upang bayaran ang utang sa umiiral na legal na interes at tubusin ang lupa. Nang umapela, pareho pa rin ang naging desisyon ng Court of Appeals sa kaso. Tama ba ang korte?
TAMA. Napapatunayan ang totoong layunin ng kontrata sa pamamagitan ng intensiyon ng mga taong sangkot. Ipinakikita ito ng mga ginawa nila at ng mga sumunod pa nilang hakbang. Sa kasong ito, kung totoong nagkaroon ng dacion en pago tulad ng sinasabi ng REIC, hindi na sila dapat nagbigay pa ng palugit na hinihingi ni Dario. Taliwas ito sa nakasaad sa kasulatan ng bentahan. Hindi mapapasubalian na sangla (equitable mortgage) at hindi bentahan ng lupa ang naganap.
Ang kontrata ay sangla at hindi bentahan kung lahat ng sirkumstansiyang nilalaman ng batas (Art. 1602 Civil Code) ay naroroon. Sa kasong ito, maliban sa palugit na binigay kay Dario, dalawang bagay ang tumutugma sa sinasaad ng batas, una, nanatiling hawak ng mag-asawa ang lupa at ikalawa, nanatili sa posesyon ng REIC ang isang bahagi ng kabayaran sa lupa.
Ayon sa batas, kung talagang bentahan ang naganap, dapat na isalin ang aktuwal at pisikal na posesyon ng lupa sa bumili nito. Hindi tugma ang patuloy na paghawak ng lupa ng nagbenta kung talagang may bentahan nga na naganap (Rockville Excel etc., vs. Spouses Culla and Miranda, G.R. 155716, October 2, 2009)