EDITORYAL - Tumaas ang bilang ng mga nagugutom
DUMAMI ang mga nagugutom, batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Disyembre 5-10, 2009. Tinatayang 4.4 pamilya (24 percent) ang nakaranas magutom sa nakalipas na tatlong buwan (Oktubre, Nobyembre at Disyembre 2009). Ito ang pinakamataas na naitalang nakaranas magutom mula 2001 na naupo sa puwesto si President Arroyo. Nalampasan nito ang 23.7 percent na naitalang nagutom noong 2008. Ayon sa survey, dapat kumita ang ama ng pamilya ng P12,000 bawat buwan para hindi maranasan ang pagkagutom.
Marami nga ang makararanas ng gutom sapagkat kailangan pala ay P12,000 ang nararapat na suweldo. Magkano lang ba ang suweldo ng mga pangkaraniwang empleado ngayon? Baka meron pang mababa sa P10,000 at kakaltasan pa iyon ng tax. Baka ang take home pay lang ay P5,000. Saan aabot ang P5,000. Sa sobrang mahal ng bilihin ngayon kagaya ng bigas, asukal, isda, karne, sardines at iba pa, wala nang matitira pa sa suweldo ng mga kawawang mamamayan. Gaya ngayon na naghahain ng petisyon ang transport groups para magtaas ng pamasahe. Wala na raw silang kinikita dahil sunud-sunod ang pagtataas ng presyo ng petroleum products.
Limang buwan na lamang sa puwesto si President Arroyo at wala man lang yatang maiiwan sa isipan ng mamamayan na kapakinabangang nakamit mula sa administrasyon. Maski ang bigas na dapat sana ay mura sapagkat isang agricultural na bansa ang Pilipinas ay magtataas pa ng presyo. Saan naman nakakita na ang Pilipinas na dating sagana sa bigas ay eto at sandamukal ang inaang-kat sa Thailand at Vietnam. Yung mga magsasaka sa Thailand ay dito sa Pilipinas nag-aral ng makabagong teknolohiya sa pagpaparami ng ani pero ngayon, sila na ang nag-eeksport ng bigas sa bansa. Taun-taon ay libong tonelada ng bigas ang inaangkat ng Pilipinas sa Thailand at Vietnam.
Dapat bang magutom ang milyong Pinoy gayung mayaman sa lupain ang Pilipinas? Sagana sa tubig at iba pang pangangailangan. Ang kulang lamang ay ang mahusay na pamumuno at pagpaplano para sa ikauunlad ng bansa.
Sa susunod na Presidente ng Pilipinas, pagtuunan ang pagpaparami ng ani. Mag-invest sa irrigation system, tangkilikin ang mga magsasaka, bigyan nang mababang presyo ng abono at mga binhi at palawakin pa ang pagdiskubre sa mga bagong pananim na madaling mamunga.
- Latest
- Trending