Nakaw na motorsiklo ginamit ni Bgy. Chairman Itoy Ejercito
AYWAN ko kung anong mentalidad meron si Chairman Joey “Itoy” Ejercito ng Bgy. 190, Zone 17, District II, Manila. Mantakin n’yo mga suki, nagawang ariin ni Ejercito ang isang nakaw na motorsiklo sa halip na i-turn-over sa kapulisan. Ang lakas din naman ng apog ni Ejercito pinakabitan ng sidecar ang isang karnap na motorsiklo para ipagamit sa kanyang mga tanod sa pagroronda. Bukod sa pagroronda sa barangay, ipinagagamit din ito ni Ejercito sa pag-eescort sa libing. Tama sana ang pagiging Robin Hood ni Ejercito sa kanyang barangay, subalit mukhang maling halimbawa ito sa kanyang kabarangay. Ang nakaw ay hindi dapat gamitin sa kanyang personal na pamamaraan.
Chairman Ejercito gamitin mo ang Internal Revenue Alotment (IRA) mo, at nang maipagmalaki sa iyong constituents na hindi mo binubulsa ang pondo para sa iyong barangay. Get mo Chairman?
Ayon sa may-ari ng motorsiklo na si Darwin Ano- nuevo, noong May 12, 2009 kinuha umano ng isang nagngangalang Ailene Dee ang kanyang motorsiklo na XRM 2006 model sa kanyang pinarkingan sa may F. Roxas St malapit sa kanto ng R. Papa St. Bo, Obrero, Tondo, Manila, sa pagitan ng 3:00 hanggang 3:20 ng madaling araw. Mula nang mawala ang kanyang motorsiklo ay hindi na niya ito nakita. Lumaki rin ang problema ni Anonuevo sa buhay dahil lumaki nang lumaki ang kanyang bayarin sa Finacing na kanyang kinunan ng motorsiklo. Katunayan maka-tatlong beses ng pinadalhan ng demand letters si Anonuevo ng kanyang pinagkautangan.
Bago magpasko may nakapagsabi kay Anoñuevo na nakita ang kanyang nawawalang motorsiklo na ga-mit ng mga kagawad sa pagpapatrulya. Isang Kagawad Tawing umano ang madalas na may gamit ng motorsiklong kinabitan ng sidecar. At upang makompirma, kaagad na hinanap ni Anoñuevo si Kagawad Tawing. Nagulat siya nang makitang kanyang motorsiklo nga ang may nakakabit ng sidecar ng barangay. Susmaryusep!
Agad na siyang nagreport sa Anti-Carnapping & Anti-Hijacking Section (ANCAHS) ng Manila Police District (MPD) sa United Nation Avenue, Ermita, Manila. Tinugunan agad ng ANCAHS ang reklamo ni Anonuevo at sa pangunguna ni SR. Insp. Randy Maluyo ay nakuha nga ang motorsiklo na may nakakabit ng sidecar na may naka-tatak pang Barangay Patrol.
Kahiya-hiyang sitwasyon ito Chairman Ejercito na sa mismong barangay hall mo nakita ang nakaw na motorsiklo . Kinumpirma ni Anonuevo na kanya nga ang motorsiklo na may engine number XRM13E049205 at chassis no. XRM13049295.
Ang sidecar na may pinturang light blue ay may pangalan pa ni Chairman Joey “Itoy” Ejercito sa gawing likuran. Mukhang ipinalalandakan pa ni chairman Ejercito sa kanyang constituent na pag-aari na niya ang motorsiklong nakaw. Sumaryusep! Alam mo ba Chairman na labag sa batas ang iyong ginawa? O baka naman ipinakikita mo lang na kaya mong labagin ang batas? Calling DILG secretary Ronaldo Puno, pakihambalos, nga si Ejercito para hindi siya pamarisan ng mga matitinong chairman ng barangay sa bansa.
Sampilungin mo rin Sec. Puno si Kagawad Tawing Dizon para mabawasan ang kayabangan sa katawan. Ayon sa mga nakausap ko, madalas may sukbit na baril sa baywang si Tawing.
- Latest
- Trending