Scholarship di lamang para sa matatalino
EDUKASYON ang susi ng pambansang kaunlaran. Ito ang lagi nating nababasa o naririnig. Bukambibig din ito ng mga kandidato lalo na sa panahong halos lahat sila’y sumasakay sa isyu ng edukasyon. Marami rin silang batikos at suhestyon sa usaping ito. Kesyo itaas ang sweldo ng mga guro, magtayo ng maraming eskwelahan, at silid-aralan, itaas ang kalidad ng pagtuturo at bigyan ng scholarship ang mga matatalinong mag-aaral. Tama sila pero tila may kulang.
Oo nga’t may scholarship program para sa matatalino at mahirap na estudyante. Ngunit papaano naman kung ordinaryo lang at hindi masyadong matalino? Problema ito lalu na sa mga malalayo at dahop na probinsya. May panukala si Edu Manzano, vice-presidential bet ng Lakas-KAMPI-CMD Aniya, kung binibigyan ng ayuda ang mga mahihirap pero matalinong kabataan, mas lalung dapat tulungan yaong mga average na kabataan na hindi makapag-aral dahil sa kakapusang pinansyal. Ayon kay Edu, ang tulong pinansyal na ito ay maaaring isakatuparan sa pamamagitan ng subsidy o allowance sa mga mahihirap na kahit hindi sila super-bright. Aba kung magagawa ito ng gobyerno, malaking tulong ito para ma-abot ng mga kabataan ang kanilang pangarap. Alam nating lahat na ang pag-unlad ng kabuhayan ng bansa ay nakasalalay nang malaki sa talino ng mga mamamayan. Kaya nga knowledge is power.
Maaaring maliit lamang ang gastos ng pamilyang nakatira sa probinsya dahil mayroon silang pagkukunan ng pagkain, katulad ng pangingisda o pagtatanim ng gulay sa kanilang bakuran. Subalit alam natin na napakarami pa rin ang talagang hikahos kayat kadalasan, ang mga anak nilang estudyante ang nagiging biktima ng kanilang kahirapan.
Sinabi ni Edu na sa kanyang paglilibot sa maraming lugar sa Pilipinas, nalaman niyang marami pa rin ang mga estudyante sa probinsiya na hindi kayang magbayad kahit ng P14 na pamasahe sa traysikel araw-araw, gayong ang halagang ito ay may diskwento na para sa mga estudyante.
Bunsod ng kahirapan nilang ito sa buhay, napipilitang huminto sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Nakalulungkot ang kondisyong ito. Ani Edu, nakakalamang ang kabataang may angking talino. Ngunit paano naman ang mga ordinaryong estudyante na mula sa mahihirap na pamilya?
Huwag sana silang kalimutan.
- Latest
- Trending