KUNG pagkatuso ang pag-uusapan, walang lalamang sa Arroyo admin. Pati ba naman sa pagpasa ng 2010 national budget, inisahan ang publiko.
Nu’ng una, binitin-bitin ng mga alipores ng admin sa Kongreso ang pagpasa ng budget. Hindi agad nagdaos ng public hearings tungkol sa P1.541-trilyong paggastos. Dumaan na ang Undas, nakabinbin pa rin sa Senado ang panukala. Naghinala tuloy ang marami na wala talagang balak ang Kongreso ipasa ang 2010 budget — para mapilitan ang gobyerno na i-reenact ang 2009 budget. Delikado ‘yun sa isang election year tulad ng 2010. Kapag reenacted ang budget, maraming proyektong tinustusan nu’ng nakaraang taon ang tapos na, pero popondohan muli. Ire-realign ng Presidente ang bilyon-bilyong pisong pondo sa kung anoman ang naisin. Siyempre, dahil partisano siya, ibubuhos niya ito sa mga ipagpapanalo ng kanyang congressional campaign at ng mga kapartido.
Binulgar ng NGOs ang pakana. Binatikos ang napipintong reenacted 2009 budget. Napilitang umatras ang Kongreso. Pero may Plan B pala ito, para magamit pa ring pang-eleksiyon ang P1.541-trilyong pera ng bayan. Paano ito isinagawa?
Nilipat ng Kongreso ang P65 bilyong pambayad sana ng utang at itinago na pork barrel ng ilang ahensiya. Ito ang Departments of Public Works and Highways, Transportation and Communications, Education, Agriculture, Health, at Social Welfare and Development. Sinabihan pa si President Arroyo na i-release ang P65 bilyon, kasama ang iba pang pork barrel, sa first quarter ng 2010 — o kainitan ng kampanya.
Tapos, palihim itong pinasa nu’ng nakaraang linggo. Niratipika ng Senado ang bicameral confe-rence committee report miski si chairman Ed Angara lang ang nakapirma at wala ang walo pang kasaping senador. Sa Kamara de Representante naman, 30 lang sa 260 miyembro — ni walang quorum — ang nagratipika. Ni wala silang kopya ng pinal na bersiyon ng budget.
Pati ang media, pinagkaitan ni co-chair Junie Cua ng kopya.